Hinimok ni Senador Risa Hontiveros ang Energy Regulatory Commission (ERC) na suspindihin ang pagtaas ng singil sa kuryente habang nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa rotational blackout. Aniya, ang partikular na rate adjustment ay "walang konsiderasyon" sa kapakanan ng konsyumer.
“Hangga’t walang napapanagot sa nangyaring rotational blackouts, hindi dapat na magdagdag-singil pa sa kuryente. Unfair naman ito sa konsyumer na magpapasan na naman sa kapabayaan nila. Hindi ito dapat hinahayaan ng ERC bilang regulator,” sambit ni Hontiveros.
Hinihiling ng Senador ang suspensyon ng panuntunan ng Automatic Generation Rate Adjustment (AGRA) habang nakabinbin ang pagsisiyasat na isinasagawa ng Senado sa mga sanhi ng naranasang blackout sa Metro Manila at ilan pang mga lugar.
Sa ilalim ng kontrobersyal na mga alituntunin ng AGRA, pinapayagan ang mga Distribution Utility (DU) na awtomatikong i-adjust nang walang mga petisyon at public hearing ang kanilang generation at system loss rates kada buwan ay paksa sa kumpirmasyon ng ERC.
Tutukuyin ng regulator ang anumang kulang o sobrang singil ng DUs at saka pa lamang maglalabas ng kautusan para sa pagkolekta o refund.
Ayon kay Hontiveros, ang ERC ay dapat magpataw ng parusa na magbibigay ng relief sa household tulad ng refund o pansamantalang suspensyon ng pagtaas ng rate para sa distribution at transmission charges, sa halip na payagan ang mga rate adjustments na patuloy na nagpapabigat sa mga konsyumer.
Ang panawagang ito ay bunsod ng anunsyo ng Manila Electric Co. (Meralco) na muling magtataas ng rate sa ikaapat na sunod na buwan. Madadagdagan ng P0.2353 bawat kilowatt-hour (kWh) hanggang P8.9071 bawat kWh ngayong Hulyo. Ito ay katumbas ng P47.06 para sa mga kustomer sa tirahan na kumonsumo ng 200 kWh.
Ang itinuturong dahilan ng Meralco ay ang patuloy na mataas na charge sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), manipis na suplay sa Malampaya gas field at sapilitang pagtigil ng operasyon ng mga planta.
“Malaking halaga na para sa kanila ang matitipid kung hindi magtataas ng singil sa kuryente. Nasa gitna pa rin tayo ng pandemya, kaya’t importante na ang ordinaryong Pilipino muna ang ikonsidera kaysa ano pa mang kita,” pagtatapos ng Senadora.
Leonel M. Abasola