Ibinunyag nitong Lunes ni San Juan Rep. Ronaldo Zamora na naturukan na siya ng Sinopharm vaccine at nakatanggap pa ng booster shots upang protektahan ang kanyang sarili laban sa COVID-19.

Sa isang pulong balitaan sa San Juan City nitong Lunes, inamin ni Zamora, na ama ni San Juan Mayor Francis Zamora, na naturukan na siya ng dalawang dose ng Sinopharm noong Disyembre.

Bukod dito, nakatanggap pa aniya siya ng dalawa pang shot ng bakuna bilang booster shots.

“Noong December, na-vaccinate ako — ewan ko kung dapat kong sabihin ito, Sinopharm,” kwento ng mambabatas.

Duterte siblings, nag-bonding: 'Always something to be grateful for'

“Kung nagtataka kayo kung bakit si Congressman Zamora ay hindi na nagma-mask, sasabihin ko sa inyo: I have been vaccinated, twice, twice over,” aniya pa.

Ipinaliwanag naman ng mambabatas na ito ay dahil na rin sa rekomendasyon ng kanyang mga doktor dahil sa kanyang pagiging-“immunodeficient.”

Matatandaang ang Sinopharm ay pinagkalooban ng Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use authorization (EUA) kamakailan matapos na mag-aplay para dito ang Department of Health (DOH).

Bilang reaksyon naman dito, nagbabala naman ang DOH na mahaharap sa parusa ang mga doktor na nag-a-administer ng booster shots ng COVID-19 vaccines sa kanilang mga pasyente na mahaharap sila sa sanctions o parusa.

“Hindi kami na-inform about this matter. This is something that they did between the individual and physician,” ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa isang online press conference. “Mixing and matching booster doses ay hindi pa narerekomenda ngayon dahil hindi pa kumpleto ang ating ebidensya.”

Aniya pa, maaaring maharap sa sanctions ang mga doktor kung magrerekomenda ng iba’t ibang brand ng COVID-19 jabs sa kanilang mga pasyente dahil hindi pa aniya tukoy ang kaligtasan at bisa nang mixing at matching ng mga bakuna.

“Sana sumunod tayo, mag-align tayo sa protocols ng gobyerno,” pahayag pa niya. “Kapag may violations po tayo sa mga ganito ay maaari tayong magkaroon ng sanctions.”

Matatandaang hindi pa pinapayagan ng DOH ang pagbibigay ng booster shots dahil sa kakulangan pa ng suplay ng bakuna, at maging ang pagmi-mix and match na ng mga ito, kahit ginagawa na ito ngayon sa ibang mga bansa.

“Itong mga booster hindi din po din natin hinihikayat sa ngayon because we want to focus on equity,” aniya pa.

Mary Ann Santiago