Muling tiniyak ng Department of Health (DOH) sa publiko na epektibo ang Sinovac vaccine laban sa COVID-19.

Ito’y sa kabila ng ulat na may health workers sa Thailand ang dinapuan pa rin ng sakit kahit fully vaccinated na ng naturang bakuna na mula sa China.

Kaugnay nito, tinukoy ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang isang pag-aaral sa Chile na kinasasangkutan ng mahigit 10 milyong katao, kung saan natuklasang ang bisa ng Sinovac ay 90% laban sa ICU admission, 87.5% laban sa hospitalization, at 86% naman laban sa pagkamatay.

“Ito po ay magandang pagpapatunay na effective itong Sinovac” ani Vergeire, sa isang panayam.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nauna rito, iniulat ng health ministry ng Thailand na 618 mula sa kabuuang 677,348 medical personnel na fully vaccinated ng Sinovac ang na-infect pa rin ng COVID-19.

Isa umano sa mga nurse ang namatay habang isa pa ang health worker ang nasa kritikal na kondisyon.

Matatandaang una na rin namang sinabi ng DOH na maaari pa ring mahawa ng COVID-19 ang mga taong nabakunahan na kaya’t patuloy ang paalala nilang dapat pa ring mag-ingat sa sakit.

Malaking tulong naman, anila, ang bakuna upang makaiwas sa pagkakaroon ng malalang komplikasyon ng sakit, gaya nang pagka-ospital at pagkamatay.

Una na rin namang kinumpirma ng Food and Drug Administration (FDA) na mayroong 60 indibidwal na dinapuan ng COVID-19 cases sa Pilipinas kahit naturukan na ng Sinovac ngunit tiniyak na mild cases lamang ang mga ito.

“Nandyan pa rin naman po ‘yung effectiveness ng bakuna. Kailangan pagkatiwalaan po natin ‘yan,” ayon pa kay Vergeire.

Mary Ann Santiago