Kasalukuyan nang bineberipika ng Department of Health (DOH) ang pahayag ng regional health authorities sa Central Visayas na nakakaranas sila ngayon ng ikatlong wave ng COVID-19 infections.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang Region 7 ay nakapagtala ng two-week case growth rate na -7% at ang average daily attack rate (ADAR) naman nito ay nasa 4.5 cases per 100,000 population.
Ani Vergeire, kung titingnan ang naturang datos ay mababa pa aniya ito at hindi nila maaaring ikonsidera bilang ‘high-risk’ sa ngayon.
Ipinaliwanag naman ni Vergeire na ang mga regional offices ng DOH ay mayroong sarili nilang granular analysis ng COVID-19 data sa kanilang lugar.
“Pag tinignan po natin ‘yan, medyo mababa pa po ‘yan and we cannot consider that as high-risk as of now," ani Vergeire, sa panayam sa radyo. “Bunsod lang ito ng kanilang pag-a-analyze ng kanilang datos. Atin pong vine-verify ‘yan pagkaganyan at kung sakaling may kulang pa silang impormasyon na naibigay, isu-supplement po natin ‘yan.”
Tiniyak rin naman ni Vergeire sa publiko na tatalakayin ng DOH ang naturang isyu sa mga health officials sa Central Visayas.
Nauna rito, iniulat ng DOH Region 7 na nakakaranas sila ngayon ng third wave ng COVID-19 infections sa Central Visayas.
Mary Ann Santiago