ZAMBOANGA CITY - Tumanggap na ng ayuda ang 37 sa mga sundalong nakaligtas sa pagbagsak ng eroplanong C-130 sa Patikul, Sulu, kamakailan.
Ito ang kinumpirma ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 9 Disaster Response Management Division information officer Alvin Dacanay.
Bawat isa aniya sa mga ito ay tumanggap ng P5,000 cash o kabuuang P185,000 mula sa Crisis Intervention Unit ng ahensya.
Sa nasabing bilang ng survivors, 14 ang kasalukuyan pang nakaratay sa Camp Navarro General Hospital ng Western Mindanao Command (Westmincom), 22 naman ang naka-confine sa Zamboanga City Medical Center, at isa sa Cuidad Medical Zamboanga.
“This is the initiative of the department to immediately assist the survivors in times of traumatic events,” pahayag pa ni Dacanay.
Matatandaang bumagsak ang nasabing military plane na may pasaherong 96 na sundalo sa Brgy. Bangkal, Patikul nitong Hulyo 4 ng umaga na ikinasawi ng 48 na sundalo, tatlong sibilyan at ikinasugat ng 47 iba pa.
PNA