Para sa Hugpong ng Pagbabago (HNP), isang regional political party na itinatag ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at ng apat pang partido-pulitikal, ang gusto nilang maging kandidato sa pagka-pangulo sa 2022 elections ay ang anak ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD).

Sa kabilang dako, ipinahiwatig naman ni Mano Digong na ang nais niyang maging standard bearer ng Partido Demokratiko-Laban ay si Sen Christopher "Bong" Go. Ito ay madalas na ianunsiyo ng Pangulo sa mga okasyon kasama ang matapat at dating aide.

Sa panig ni Go, matindi ang kanyang pagtanggi sa pahiwatig ni PRRD. Hindi raw siya interesado sa panguluhan. Gayunman, sakali raw na walang mapili ang PDP-Laban, ang HNP at iba pang lapian na ikakandidato, baka siya ay pumayag na rin. "But count me last," ani Go.

Sa obserbasyon ng mga political analyst, malaki ang posibilidad na si Go ang maging standard bearer ng administrasyon. Ayon sa kanila, masyadong visible ang Senador sa maraming pagkakataon, laging nakalagay sa pahayagan, TV at radyo, lalo na kapag may kalamidad, sunog, baha, bagyo na naganap sa iba't ibang panig ng Pilipinas.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Siya rin ang nagtatag ng tinatawag na Malasakit Centers na nagkakaloob ng tulong at ayuda sa mga biktima ng kalamidad at maging sa pangangailangang-pangkalusugan ng mga mamamayan. Maliwanag anila na si Go ang "minamanok" ng Pangulo at siguradong siya ang nasa likod ng mga pagkilos at pagsisikap ni Go.

Kapag si Go ang naging pangulo at si PRRD ang naging pangalawang pangulo, malamang daw kaysa hindi, ayon sa mga eksperto sa pulitika, na muling hahawakan ng pangulo ang renda ng gobyerno at mauupo sa trono ng Malacanang.

Walang nakikitang balakid ang mga eksperto sa pagtakbo ni Mano Digong bilang vice president. Ang ipinagbabawal ng Konstitusyon ay reelection. Si Gloria Macapagal-Arroyo ay tumakbo bilang kongresistra at nanalo. Si Joseph Estrada ay tumakbo bilang Mayor ng Maynila at nagtagumpay. Si Fidel Ramos ay hindi tumakbo at piniling maging isang ordinaryong mamamayan na lang.

Bagamat walang legal impediment ang pagtakbo ni PRRD sa vice presidency sa 2022, naniniwalaang mga legal expert na hindi ito tama. Pinaiikutan lang daw ang Constitution sapagkat kapag ang ka-tandem niya ang nanalo, maaaring ito ay magbitiw para siya muli ang maging pangulo.

Sakali naman daw na ang katambal niya ang magtagumpay, maaaring ito ay kanya lamang diktahan lalo na at ang bagong pangulo ay kanyang kaibigan, kaalyado o dating aide.

Bert de Guzman