Hindi pa halos nailalabas sa bumagsak na C-130 aircraft ang mga biktima ng kalunos-lunos na trahedya, lumutang na sa Kongreso -- sa Senado at Kamara -- ang public hearing na isasagawa ng mga mambabatas na mga miyembro ng oversight committees. Kasabay ito ng paglutang din ng mga pagtatanong ng ilang sektor ng sambayanan: Uunahin ba ang naturang congressional hearing sa gitna ng matinding pagdadalamhati ng bansa kaugnay ng pagkamatay ng 49 na sundalo at tatlong sibilyan sa bumagsak na eroplano? Ito ba ang kailangan ngayon ng mga nagluluksang pamilya ng ating mga kawal na walang alinlangan na dapat na ituring na mga bayani at dangal ng lahing Pilipino?

Naniniwala ako na hindi dapat pagtalunan kung nararapat o hindi ang gayong imbestigasyon o pagdinig, lalo na nga kung ito ay isasagawa sa tinatawag na 'ina aid of legislation'. Sa gayon, magkakaroon ng mga batayan ang mga mambabatas sa pagbabalangkas ng mga batas na mangangalaga sa ating aeronautics industry; matitiyak ang ligtas na mga sistma sa pagbili at pagpapalipad hindi lamang ng mga eroplano ng ating Armed Forces kundi maging ng mga pribadong sasakyang panghimpapawid.

Maging ang mga imbestigasyon na sinimulang pausarin ng mismong AFP at ng iba pang investigation agency ay lubhang kailangan. Lalo na ngayong nakita na ang tinatawag na black box na kinapapalooban ng mga galaw at pamamaraan ng pagpapalipad ng C-130 hanggang sa ito ay bumagsak at masunog.

Gayunman, ang higit na kailangan ngayon ay sama-samang pagkilos ng mga kinauukulan para sa kapakanan ng ating sinawimpalad na mga sundalo -- at ang pakikidalamhati at pagtulong sa kanilang mga naulila. Ang matapat at taimtim na pakikiramay -- tulad ng ipinamalas ni Pangulong Duterte sa kanyang kapasidad bilang Commander-in-Chief ng AFP -- ang lubhang kailangan ngayon upang maibsan ang tindi ng pagluluksa ng mga mahal sa buhay ng mga sundalo na biktima ng nakakikilabot na sakuna. Ang paglalagay sa half-mast ng mga bandila sa mga military camp, halimbawa, ay simbolo ng kabayanihan ng naturang mga sundalo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang ganitong makatao at makabuluhang pakikiramay ang napapanahon, hindi ang mga public hearing na maari namang isagawa sa ibang angkop na pagkakataon.

Celo Lagmay