PARIS, France – Isang 90-anyos na babae na namatay matapos magkasakit ng COVID-19 ang sabay na naimpeksyon ng Alpha at Beta variants ng coronavirus, pagsisiwalat ng mga researchers sa Belgium nitong Linggo, isang kakaibang kaso na maaaring nabalewala.
Namatay ang babae limang araw matapos ma-admit sa ospital kung saan ito unang nagnegatibo at nagpositibo sa virus sa magkaparehong araw.
Nang suriin ang pasyente para sa posibleng variants na mayroon ito, lumabas na naimpeksyon ito ng dalawang virus strain, angb Alpha strain, na nagmula sa Britain, at Beta variant na unang natukoy sa South Africa.
“Both these variants were circulating in Belgium at the time, so it is likely that the lady was co-infected with different viruses from two different people,” pahayag ni molecular biologist Anne Vankeerberghen mula OLV Hospital na nanguna sa pag-aaral.
“Unfortunately, we don’t know how she became infected.” Ayon kay Vankeerberghen, mahirap masabi kung ang pagkakaroon nito ng dalawang virus variant ay nakaapekto sa mabilis na pagkamatay ng pasyente.
Hindi pa isinusumite ang pananaliksik sa isang medical journal para mailimbag, at iprinisinta lamang sa European Congress of Clinical Microbiology & Infectious Diseases.
Bagamat sinabi ni Vankeerberghen sa isang press release na “there had been no other published cases” ng katulad na kaso, “the phenomenon is probably underestimated”.
Ito, aniya, ay dahil sa limitadong pagte-test sa mga variants, kaya naman nanawagan siya para sa mabilis na paggamit ng PCR testing upang matukoy ang mga variant mutations.
Noong Enero, iniulat sa Brazil ang kaso ng dalawang tao na magkasunod na na-impeksyon ng dalawang makaibang uri ng strain ng coronavirus, ngunit hindi pa ito naililimbag.
Agence-France-Presse