Dahil sa patuloy na pag-okupa ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS), pinagtibay ng Kamara ang panukalang batas na nag-aatas na pagkalooban ng ibayong proteksiyon ang Philippine Rise o Benham Rise.
Sa pagdinig ng House committee on natural resources sa pamumuno ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., pinagtibay ang panukalang ipinalit sa House Bill 36 o ang proposed Philippine Rise Marine Resource Reserve Act na naglalayong ideklara ang lugar na kilala rin bilang Benham Rise bilang "protected area with the category of marine resource reserve under the National Integrated Protected Areas System (NIPAS)."
Sa panukalang inihain ni Muntinlupa City Ruffy Biazon, vice chairman ng House committee on national defense, partikular na inaatasan o minamanduhan ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na protektahan ang natural resources ng Benham Bank at ang mga nakapaligid na katubigan sa pamamagitan ng sustainable at participatory management.
Binigyang-diin sa panukala ang mga applicable laws at international conventions kung saan nakapirma ang Pilipinas. Nais ng Pilipinas na maiwasan ang posibleng pag-okupa ng mga dayuhan, partikular ng China, sa Benham Rise na sagana sa yamang-dagat.
Bert de Guzman