Tumindi pa ang alitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Manny Pacquiao.
Ito ay matapos ungkatin ng Pangulo ang tax evasion case ni Pacquiao na resulta ng hindi pagbabayad nito ng₱2.2 bilyong buwis mula sa kinita niya sa pagboboksing ilang taon na ang nakararaan.
Iginiit ni Duterte, kung ang senador ay umiiwas sa pagbabayad ng buwis ay ikinokonsidera niya na isa itong corrupt.
“I remember he has a tax evasion case and he has been assessed to pay ₱2.2 billion ang utang niya na hindi niya binayaran ang gobyerno of all his fights, lahat na ‘yan considered since the beginning, maraming away ‘yan and billion kinita niya. But sa isang fight niya, ₱2.2 billion kukunin ng BIR ‘yan. Sa America, walang problema, talagang bayad ka; kung hindi, kulong ka,” paliwanag ni Duterte nang pulungin nito ang mga lider ng PDP-Laban, kamakailan.
Gayunman, paglilinaw ng Pangulo, hindi niya hahabulin ang tax obligations ng senador. Aniya, nais lamang niya na ilahad ang sitwasyon matapos maglabas ng alegasyon si Pacquiao na lumala ang korapsyon sa kanyang administrasyon.
“ I’ll try to find out. May ano ‘yan siya may utang siya ₱2.2 billion . Not because gusto ko siyang habulin, ayaw ko, but sabi kasi niya corrupt. Eh ‘di kung corrupt kami, ‘di ikaw?" pagdidiin pa ni Duterte.
"When you cheat government, you are a corrupt official,” aniya.
“So I remember na mayroon, may kaso siya . It’s still in — I think with the courts. I do not know but I’ll check it,” pahayag nito.
Noong 2018, nanalo ang senador sa kinakaharap na kasong tax evasion nang iutos ng Court of Tax Appeals sa Bureau of Internal Revenue na ihinto na ang pagsingil ng buwis ng senador na nagkakahalaga ng P3 bilyon para sa 2008 at 2009 dahil sa kawalan ng merito.
Sa initial tax assessment ng BIR, aabot sa P2.2 bilyon ang naging buwis ni Pacquiao mula sa kinita nito sa pagboboksing hanggang sa umabot sa P3 bilyon dahil na rin sa patung-patong na singil at penalty nito.
Genalyn Kabiling