Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 5,484 pang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Huwebes, Hulyo 8, 2021.
Batay sa case bulletin no. 481 na inilabas ng DOH dakong 4:00 ng hapon nitong Hulyo 8, nabatid na dahil sa naturang bagong mga kaso ay umaabot na ngayon sa 1,455,585 ang total confirmed COVID-19 cases sa bansa.
Gayunman, 49,036 na lamang sa mga ito ang aktibong kaso pa o 3.4% ng kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa.
Sa mga aktibong kaso naman, 90.9% ang mild cases lamang; 3.7% ang asymptomatic; 2.2% ang severe; 1.62% ang moderate at 1.5% ang critical cases.
Samantala, nakapagtala rin naman ang DOH ng 3,925 na bagong gumaling sa karamdaman kaya’t umaabot na ngayon sa 1,380,899 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 94.9% ng total cases.
Mayroon din namang 191 pasyente ang sinawimpalad na nadagdag sa bilang ng mga binawian ng buhay dahil sa karamdaman.
Sanhi nito, 25,650 na ang COVID-19 death toll sa bansa o 1.76% ng total cases.
Mary Ann Santiago