TAYABAS, Quezon - Nahaharap ngayon sa balag ng alanganin ang isang konsehal ng nasabing bayan nang ireklamo ito ng isang dalagang empleyada na niyakap at hinipuan umano nito sa loob ng opisina ng Sangguniang Panlungsod nitong Hulyo 5.
Kinilala ni Quezon Police Provincial director, Col. Joel Villanueva, ang konsehal na si Dino Romero, 51, at taga-Lovely Village, Barangay Wakas ng lungsod.
Paliwanag naman ni Tayabas Police chief, Maj. Romar Pacis, halatang takot ang biktimang si Dianne (hindi tunay na pangalan), 22, taga-Brgy. Camaysa ng siyudad, nang magbigay ito ng sinumpaang salaysay sa mga pulis.
Aniya, nagulat ito nang bigla na lamang umano siyang yakapin at hipuan ni Romero ang maseselang bahagi ng katawan nito habang ito ay naghuhugas ng pinagkapehan sa kusina ng Sangguniang Panlungsod sa city hall, dakong 2:00 ng hapon.
Dahil dito ay nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya kaugnay ng reklamo hanggang sa isampa ang kaso sa City Prosecutor's Office.
Danny Estacio