TACLOBAN CITY - Tatlo ang naiulat na nasawi, kabilang ang isang sundalo at dalawang miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) nang lusubin ng grupo ng pinaghihinalaang New People's Army (NPA) ang bagong tayong kampo ng militar sa Jipapad,
Easter Samar, nitong Miyerkules ng umaga.
Hindi muna isinapubliko ng militar ang pagkakakilanlan ng nasawing miyembro ng 52nd Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army (PA) at dalawang miyembro ng CAFGU hangga't hindi pa ipinapaalam sa pamilya nito ang insidente.
Sa paunang ulat ng militar, apat pang sundalo ang nasugatan sa insidente at isinugod sa isang ospital asa Arteche sa lalawigan.
Binanggit sa report na papasok na sana ang mga sundalong sakay ng military truck sa kanilang kampo upang tapusin ang konstruksyon nito nang pasabugan sila ng land mine, dakong 6:45 ng umaga.
Bukod dito, pinagbabaril ng mga armadong rebelde ang mga sundalo na ikinasawi ng tatlo sa kanilang grupo.
Ayon sa militar, tumagal ng 20 minuto ang sagupaan ng magkabilang panig bago umatras ang mga rebelde.
Habang isinusulat ang balitang ito, tinutugis pa rin ng militar at pulisya ang grupo ng mga rebelde.Marie Tonette Marticio