BONTOC, Mt.Province – Isang abandonadong kampo ng New People’s Army (NPA) ang nadiskubre ng mga sundalo sa boundary ng Barangay Tetep-ab Norte, Sagada at Barangay Dalican, Bontoc, Mountain Province.
Nakatanggap umano ng impormasyon ang mga tauhan ng 54th Infantry Battalion ng Philippine Army, mula sa dating rebelde na may kampo sila sa lugar, kaya agad itong pinuntahan ng mga sundalo.
Nadatnan ng mga sundalo ang mga iniwang gamit ng NPA gaya ng iba’t ibang parte ng baril at improvised na bandolier, mga kagamitang may marking Front Operational Command - Alfredo Ceasar Junior Command na bahagi ng Komiteng Larangang Gerilya-Southern Ilocos Sur (KLG-SIS), mga damit na mayroong tatak ng Chadli Molintas Command ng NPA Ilocos-Cordillera, dalawang libro na naglalaman ng mga aral ukol sa rebolusyonaryong pakikidigma, dalawang piraso ng wire na may tig-25 metro na haba, tatlong duyan, kumot, mga trapal, mga radyo, powerbank, mga flashlight, extension cord, limang mga bag pack, at mga gamit pang medikal.
Ayon sa mga dating rebelde, may dalawang buwan na nang iwan ang nasabing kampo, matapos ang karamihan sa kanila ay nagbalik-loob na sa pamahalaan.
Samantala, sinabi ni MGen. Laurence Mina, commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army, na naka-base sa Gamu, Isabela, na patuloy ang kanilang paghikayat sa natitira pang miyembro ng NPA na huwag ng mag alinlangang magbalik-loob sa pamahalaan.