TABUK CITY, Kalinga – Patay ang isang menor de edad na kabilang sa 12 pasahero ng Ford Fiera, matapos itong mawalan ng kontrol at mahulog sa ‘di kalalimang bangin sa Sitio Maraggob, Barangay Dupligan, Tanudan, Kalinga Lunes ng hapon, Hunyo 5.
Nabatid kay Kalinga PPO Provincial Director Davy Limmong, ang pampasaherong Ford Fiera na may plakang AYC- 895 ay minamaneho ni Louie De-eg Suminag, 27, ay galing ng Tabuk City patungo sa Barangay Dupligan, Tanudan, Kalinga.
Binabaktas ng sasakyan ang matarik na bahagi ng Tanudan-Banawe National Road nang bigla umanong mawalan ng kontrol ang drayber sa sasakyan at mabilis itong umaatras pababa hanggang sa mahulog ito sa 4 na metrong lalim na bangin.
Agad namang rumesponde angmga residente at naisugod sa ospital ang 12 katao, kabilang ang drayber, subalit idineklarang dead on arrival si Jandy Bulawit Gallamoy, 16, ng attending physician na si Dr. Jhoe Anna Marie Tango.
Ayon kay Limmong, ang drayber na nagtamo lamang ng minor injuries ay nasa pangangalaga ngayon ng Tanudan MPS para sa safe keeping, habang hinihintay ang pagsasampa ng kaso ng mga biktima.