Talagang pinagbubuti na ng military at ng Philippine Coast Guard (PSG) ang pagbabantay sa teritoryong saklaw ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Bilang patunay, pitong dayuhang fishing vessels sa West Philippine Sea ang naitaboy ng PCG matapos maglabas ng isang radio challenge ang Philippine Coast Guard (PCG) noong Hunyo 30.
Naispatan ng PCG BRP Cabra (MRRV-4409) ang limang Chinese at dalawang Vietnamese ships sa bisinidad ng katubigan sa Marie Louise Bank sa West Philippine Sea.
Ganito ang radio challenge ng PCG: "This is Philippine Coast Guard BRP Cabra MRRV-4409. You are within Philippine exclusive economic zone." Hiningi ng PCG sa mga dayuhang barko na tukuyin kung sino sila at ano ang kanilang intensiyon sa nasabing lugar.
Ang Marie Louise Bank, ay isang bahagi sa Spratly Islands, na nasa 147 nautical miles sa El Nido, Palawan. Ayon sa PCG, gumamit ang BRP Cabra ng "Long Range Acoustic Device to conduct radio challenge to said vessels, in accordance with the PCG Manual on Rules on the Use of Force within the Philippines' Exclusive Economic Zone."
Sa naturang dagat ay naroon din ang isang Filipino fishing ship. May 34 na mangingisdang Pinoy ang lulan ng F/B Xiroxira mula sa San Jose, Occidental Mindoro. "Ayon sa Filipino fishermen, nakakapagsagawa sila ng NORMAL FISHING OPERATIONS sa nakalipas na dalawang linggo nang walang ano mang masamang nangyayari sa karagatan," pahayag ng PCG noong Linggo.
Noong Mayo, pinalayas at tinugis din ng BRP Cabra at ng dalawang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ships ang pitong Chinese maritime militia vessels sa Sabina Shoal sa West Philippine Sea. Ang mga barko ng China ay nakitang nakahimpil o nasa stationary liner formation sa Sabina Shoal na nasa 130 nautical miles west ng Puerto Princesa, Palawan. Agad-agad lumisan ang mga barkong-Tsina matapos ang panawagan ng BRP Cabra.
Maganda ang ginagawang pagbabantay ng ating Coast Guard sa WPS. Kapag pala pinagsabihan ang mga dayuhang barkong pangisda sa karagatan ng PH na umalis at igalang ang soberanya, umaalis at sumusunod naman. Samakatwid, hindi tayo dapat matakot na baka digmain tayo ng dambuhala kapag sinaling natin sila sa WPS.