Umabot na sa 50 ang nasawi sa naganap na pagbagsak ng eroplano ng militar na C-130-H Hercules sa Patikul, Sulu, nitong Linggo.

Ito ang kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo nitong Lunes ng umaga.

Sa nasabing bilang aniya, nasa 47 ang sundalo at tatlo naman ang sibilyan.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Gayunman, inihayag ni Arevalo na kailangan nila ang tulong ng mga forensic experts upang makilala ang 47 na sundalo dahil sunog na sunog ang kanilang mga bangkay.

Nailigtas naman ang 47 na iba pang sundalo, gayunman, isinugod sila sa ospital dahil sa pinsala sa kanilang katawan.

“So far, na-retrieve na po natin ang lahat ng mga labi ng ating mga sundalo na pumanaw sa aksidente na ito. Kabuuan na 47 ang na-recover natin.

Bukod po doon sa 47 nating mga sundalo na namatay, meron pa rin pong tatlong sibilyan, hindi po sila pasahero. Kasama po sila sa ground doon sa lugar kung saan nangyari ang crash,” aniya pa.

Nanggaling ang eroplano sa Lumbia airport sa Cagayan de Oro at may sakay na 96 na sundalo at magla-landing sana sa Jolo airport sa Sulu nang maganap ang insidente sa Sitio Amman, Brgy. Bangkay, Patikul, nitong Linggo ng umaga.