DAVAO CITY - Nagdesisyon ang pamahalaang lungsod na i-half-mast ang bandila ng Pilipinas sa kanilang lugar mula nitong Lunes (Hulyo 5) hanggang Biyernes bilang pagrespeto sa 47 na sundalo at tatlong sibilyan na namatay sa naganap na pagbagsak ng eroplano sa Patikul, Sulu nitong Linggo ng umaga.
Sa isang pahayag, nakikidalamhati ang pamahalaang lungsod sa mga pamilya ng 50 na namatay sa insidente.
“We are also offering our prayers to the survivors. May you find strength and comfort in the millions of Filipinos who share your grief and pain,” ayon sa pahayag ng city government ng Davao.
Sa report ng Armed Forces of the Philippines, hindi na makilala ang bangkay ng mga nasawing sundalo sanhi ng pagkasunog nang bumagsak ang sinasakyang C-130H Hercules military plane habang nagla-landing sa nasabing lugar. Bukod sa kanila, namatay din ang tatlo pang sibilyan.
PNA