Patuloy pa rin sa pag-aalburoto ang Taal Volcano matapos na makapagtala ng 17 na pagyanig sa nakaraang 24 oras.
Sa pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), tumagal ng 45 minuto ang naramdamang pagyanig sa palibot ng bulkan.
Bukod dito, nagbuga rin ito ng usok na aabot sa 2,500 metro ang taas at napadpad pa-kanluran, timog silangan, at hilaga-hilagang kanluran. Gayunman, ipinaliwanag ng ahensya na bahagi lamang ito ng gas upwelling nito bunsod na rin ng pag-aaburoto nito.
Dahil dito, nangangamba rin ang Phivolcs sa posibleng pagkakaroon muli ng phreatomagmatic eruption sa mga susunod na araw.
Nananatili pa rin sa Level 3 ang alert status ng bulkan na nangangahulugang mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island (TVI) na isinailalim pa rin sa Permanent Danger Zone (PDZ).
Pinag-iingat pa ng Phivolcs ang mga residente ng Agoncillo at Laurel na malapit lamang sa bulkan dahil sa posibleng ashfall o vog na delikado sa kalusugan.