Kahit bali-baligtarin ang kulay puti, puti pa rin. Nakakintal pa sa aking kamalayan ang kawikaang ito na itinuturing kong simbolo ng katotohanan, lalo na sa larangan ng makabuluhang pagbabalitaktakan na nangangailangan ng paglalahad ng mga katibayan.
Ang naturang kasabihan ang bukambibig ni Retired Justice Bernardo Abesamis ng Court of Appeals (CA) sa aming paminsan-minsang pagkikita noong siya ay nabubuhay pa. Si Pareng Benny, tulad ng nakagawian naming tawag sa kanya, ay sumakabilang-buhay kamakalawa dahil sa mga karamdaman.
Sa isang virtual eulogy na nais kong ialay sa kanya, gusto kong sariwain higit pa sa kapatid na pagtuturingan; hindi lamang bilang magkababayan sa lalawigan ng Nuva Ecija kundi bilang isang kliyente noong hindi pa siya nahihirang sa hudikatura.
Matagumpay niyang ipinagtanggol ang kaso ng aking kapatid -- si Mayor Rogelio Lagmay ng Zaragoza, Nueva Ecija na noon ay biktima ng political vendetta. Ang pagdedepensa sa nasabing kaso ay ipinagpatuloy ng kanyang anak na si Atty. Edmund Abesamis, kasunod ng pagsisimula ni Pareng Benny bilang hukom ng Reginal Trial Court. Kalaunan, siya ay itinalaga bilang Mahistrado ng CA hanggang sa kanyang pagreretiro.
Bagamat hindi siya lumusong sa bukid, wika nga, hindi naman naitago ang kanyang pagkahilig sa farming sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga namumungang punongkahoy. May kalawakan din ang kanyang farm sa bulubunduking bahagi ng kanyang bayan sa Peñaranda, Nueva Ecija. Sari-saring fruit-bearing trees ang nakatanim doon, tulad ng mangga, tsiko, rambutan at iba pa.
Nagpasaklolo siya nang mistulang binunot ng malakas na bagyo ang kanyang mga pananim. Sinikap kong makakuha ng mga punla upang mapalitan ang napinsalang mga namumungang puno. Hindi ko kaagad nagampanan ang gayong paglalambing ni Pareng Benny hanggang sa siya ay sunduin, wika nga, ng ating Panginoon. Sa pamamagitan ng mistulang luksang parangal na ito, nais kong humingi ng paumanhin sa iyo Pare.
Sa kabila ng gayong pagkukulang, hindi nagbago at lalo pang tumingkad ang aming pagtuturingan bilang magkumpadre. Katunayan, sunod-sunod ang itinakda naming pagkikita nang nakaraang mga araw. Dangan nga lamang at hindi ito naganap dahil sa COVID-19 pandemic.
Gusto kong maniwala na ang nabanggit na kawikaan na itinuring kong simbolo ng katotohanan ang kanyang naging pamantayan sa panahon ng kanyang pagiging miyembro ng hudikatura.
Isang taimtim na pakikiramay sa iyong mga mahal sa buhay, Pare. Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa.