Nais ni Manila Mayor Isko Moreno na makulong ang lahat ng mga taong sangkot sa pagbebenta ng 300 Sinovac vials na nagkakahalaga ng P1 milyon, na inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Quezon City kamakailan.

Kaugnay nito, pinasalamatan rin ni Mayor Isko ang NBI sa pagkakaaresto sa mga suspek, na kinabibilangan ng isang nurse ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) na si Alexis de Guzman.

“We thank the NBI for helping the city government protect our citizens. Congratulations NBI, jail them all!,” ayon kay Moreno.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Manila Health Department (MHD) chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan na imposibleng nagmula ang mga ibinibentang vaccines sa storage facility ng Maynila.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay Pangan, ang storage facility ng lungsod ay bantay-sarado at bilang ang dami ng bakuna dito. 

Nabatid na ang lungsod ay gumagamit ng dalawang storage facilities, isa sa Sta. Ana Hospital at isa naman sa Parañaque kung saan nakaimbak ang Sinovac.

Ayon naman kay Dr. Ted Martin, director ng GABMMC, si de Guzman ay may 15 taon ng nagsisilbi sa lungsod.

Kasalukuyan aniyang nakadestino sa operating room si De Guzman at siya ay hindi bahagi ng vaccinating team ng pamahalaang lungsod.

Gayunman, may mga ulat na ang asawa ni De Guzman ay isang negosyante na ilang taon nang nagbebenta ng mga anti-flu at anti-pneumonia vaccines.

Habang isinusulat ang balitang ito ay nagpatawag na rin si Moreno ng pulong upang pag-usapan ang bagay na ito.

Ang alkalde ay kontra sa bentahan ng COVID-19 vaccines at dahil dito ay pinangunahan niya ang pagpasa ng  Ordinance 8740 na nagbabawal ng bentahan ng COVID-19 vaccines kahit saang parte sa lungsod.     

Ang mga lalabag ay mahaharap sa P5,000 multa at pagkakakulong nang hindi lalagpas sa anim na buwan. 

Dagdag pa dito, ang business license na ibinigay sa tao,  corporations, group o organisasyon ay agad na babawiin at hindi na muling papayagan na makapagnegosyo pa sa lungsod.

                                                      

Una nang nahuli si  De Guzman  sa isang entrapment operation kung saan kabilang  sina Calvin Yeung Roca, Filipino-Chinese, at Kour Singh, ng NBI task force against illegal drugs sa ilalim ni Atty .Ross Jonathan Galicia, na nagsabing ang mga suspek ay bahagi ng grupong nagbebenta umano ng  COVID-19 vaccines sa mga Chinese workers.

Mary Ann Santiago