Gahigante ang laki at bigat ng misyong susubukang gawin ng Gilas Pilipinas sa pagsisimula ng kanilang kampanya nitong Hunyo 30 sa ginaganap na International Basketball Federation (FIBA) Olympic Qualifying Tournament sa Aleksandar Nikolic Hall sa Belgrade, Serbia.
Nakatakda nilang sagupain ang host team (Serbia) na bukod sa gahigante rin ang laki ng mga manlalaro ay may taglay pang home court advantage.
Nakadagdag pang suliranin sa Gilas Pilipinas ang kondisyon ng kanilang top gunner na si Dwight Ramos na malabong makalaro sanhi ng iniindang groin injury na nakuha nito noong nakaraang Fiba Asia Cup qualifiers sa Clark.
“Dwight [Ramos] is a big no,” ani Gilas coach Tab Baldwin.
Ganap na 2:15 ng madaling araw dito sa bansa, (8:15 naman ng gabi doon sa Serbia)ang laban ng Gilas kontra sa kasalukuyang world no.5 team sa FIBA ranķing.
Si Ramos leading performer ng Gilas noong nakalipas na Clark qualifiers kung saan nagtala ito ng averages na 13.8 points, 6.2 rebounds at 2.2 assists.
Bukod dito, bagamat puwedeng lumaro, hindi naman inaasahang makapagbibigay ng 100 porsiyentong effort sina Carl Tamayo at ang 6-foot-11 naturalized player na si Angelo Kouame dahil kapwa sila may iniindang injury.
May sprained left ankle si Tamayo habang may deep knee bruise naman si Kouame.
Bagamat hindi lalaro para sa Serbia sina National Basketball Association(NBA) Most Valuable Player Nikola Jokic ng Denver Nuggets at Bogdan Bogdanovic ng Atlanta Hawks, napakalakas pa rin ng host team na pamumunuan ng beteranong point guard na si Milos Teodosic kasama sina Euroleague MVP Vasilije Micic, Dallas Mavericks 7-foot-3 center Boban Marjanovic, Miami Heat forward Nemanja Bjelica at Filip Petrusev.
Gayunpaman, hindi natitinag ang batang-batang Gilas squad.“We are just going to go out there and take one possession at a time. We’re not worried about the result, we’re worried about playing well, and see where it takes us,” ani Baldwin. “If the ball bounces our way, we play really well. Every time you go on the court, you’ll always have a chance [of winning].
Dito na masusubok ng husto ang 7-foot-4 sentro ng Gilas na si Kai Sotto na naghahangad na maging unang local-born Filipino na makapasok ng NBA.
Malawak na karanasan namang magagamit nila sa mga darating na panahon ang habol ng iba pang miyembro ng koponan na sina Sam Josef Belangel, William Navarro, Justine Baltazar, RJ Abarrientos, Mike Nieto, Isaac Go, Geo Chiu at Jordan Heading.
“They are okay, and they are training very well. We are enthusiastic and excited. We’ve been here for a few days, so we’re settled in, and we are ready to go," dagdag pa ni Baldwin.
Marivic Awitan