TUBA, Benguet – Limang pinaghihinalaang hijackers ang napatay nang makipagbarilan umano sa mga pulis sa Tuba, Benguet, nitong Miyerkules ng madaling araw.
Sinabi ni Col. Elmer Ragay, chief ng Regional Intelligence Division ng Police Regional Office-Cordillera, kinikilala pa rin nila ang mga suspek.
Ayon kay Ragay, ang insidente ay naganap sa Marcos Highway, dakong 3:00 ng madaling araw.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Regional Highway Patrol Group-Cordillera (RHPG-Cor) at Tuba Municipal Police laban sa mga suspek hanggang sa matunton ang mga ito sa Taloy Sur Proper, Tuba.
Nagkaroon umano ng enkuwentro sa pagitan ng dalawang panig hanggang sa mapatay ang mga suspek na lulan ng Isuzu truck na may plakang ADH 3116 at colored gray na sports utility vehicle na walang plate number.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso.
Zaldy Comanda