Kinagat ni Senador Manny Pacquiao ang hamon ni Pangulong Duterte na pangalanan ang mga tiwaling ahensiya ng gobyerno.

Sa pahayag na inilabas ng senador ngayong Hulyo 29, nagpasalamat pa si Pacquiao sa pagkakataon na ibinigay ng pangulo upang makatulong at magbigay ng impormasyon sa kampanya nito kontra kurasyon.

“Tinatanggap ko ang hamon ng Pangulong Rodrigo Duterte. Salamat po at binigyan nyo kami ng pagkakataon na tumulong sa inyo at bigyan kayo ng mga impormasyon para sa kampanya kontra korasyon.”

Binanggit din ng senador ang naging pahayag noong nakaraang taon ni Pangulong Duterte sa lumalalang korapsyon sa pamahalaan at sinabing nararamdaman din niya ito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Ang Pangulo mismo ang nagbanggit sa kanyang pahayag noong October 27,2020 na lalong lumalakas ang korapsyon sa gobyerno. In his own words sinabi niya na “I will concentrate the last remaining years od my term fighting corruption kasi hanggang ngayon hindi humihina lumalakas pa lalo.” Mr.President I feel the same way.”

Pinabulaanan naman ni Pacquiao ang pahayag ng pangulo na sinungaling siya.

Giit niya, “Mawalang galang po mahal na Pangulo, nguni’t hindi ako sinungaling. May mga naging pagkakamali ako sa buhay na aking itinuwid at itinama nguni’t dalawang bagay ang kaya kong panghawakan. Hindi ako tiwali at hindi ako sinungaling.”

Ipinayo pa ni Pacquiao na simulan ang imbestigasyon sa DOH. “Silipin at busisiin natin lahat ng mga binili mula sa rapid test kits, PPE, masks at iba pa.”

Tinanong rin ng senador si Sec. Francisco Duque kung handa ba itong ipakita ang kabuuan ng gastos at kung saan napunta ang mga pera na inutang ng pamahalaan para sa pandemya.

“Handa ka ba Sec. Francisco Duque na ipakita ang kauuan ng iyong ginastos? Saan napunta ang pera na inutang natin para sa pandemya?”

“Nakakalungkot na sa isyu ng korasyon kami magtatalo, dahil ang kailangan ng bansa ay mga lider na magtutulungan laban dito,” saad pa ni Pacquiao.

Matatandaang sa weekly address ni Pangulong Duterte nitong Lunes ng gabi, ay hinamon nito ang boxing champion na pangalanan ang mga tiwali at kurap sa pamahalaan.

“Point those offices that are corrupt. And let me take care of it. Within one week, I will do something. Wala ka namang sinabi sa nakalipas na mga taon, pero lagi mo akong pinupuri. Ngayon, sinasabi mo na kurap kami. Nasaan ang kurapsiyon? Aling mga tanggapan?” giit ni Duterte.

Nabanta rin ang pangulo na kakampanya ito laban kay Pacquiao sakaling mapatunayang nagsisinungaling ito. "Do it because, if not, I will just tell the people: Do not vote for Pacquiao because he is a liar".

“But if you can’t do that, I will be after you every day. Ibubunyag ko na ikaw ay isang sinungaling. I put you on notice: I will tell all [about you] and I will go against you during the election period. If you don’t do that, you’ll just be another son of a bitch playing some politics.”

Magkaibigan sina Pacquiao at Duterte, ngunit unti-unting lumalabo ang relasyon ng dalawa matapos ang pahayag ng una na walang ginagawa ang Pangulo sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).