Sa kanyang natagpuang pag-ibig, sa asawang dayuhan pala magwawakas ang kanyang buhay.

Laman kamakailan ng mga balita ang isang Pinay sa Colorado na dalawang taon nang nawawala, matapos madiskubre sa imbestigasyon ng pulisya na mismong ang asawa nitong dayuhan ang pumatay at naglibing sa kanya.

Ano nga ba ang nangyari kay Jepsy Amaga Kallungi?

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Pag-ibig na nagsimula sa online dating site

Nagkakilala sa pamamagitan ng isang online dating site sina Jepsy Amaga, 26-anyos at Amerikanong si Dane Kallungi, 36-anyos noon. Mula sa bayan ng Carmen, Cebu ay lumipad patungo ng Amerika sa Colorado si Jepsy, upang pakasalan ang kanyang Amerikanong kasintahan, na isang dating military man, noong Hulyo 20, 2017 at doon na rin manirahan.

Sa ulat ng Fox21news, inilarawan ng isang malapit na kaibigan ni Jepsy, ang relasyon ng kaibigan kay Dane na ‘toxic.’

Missing

Sa kopya ng arrest affidavit ng Colorado Springs Police Department kay Dane, nakasaad na ini-report ni Lalaine Leypold, matalik na kaibigan ni Jepsy, sa pulis na hindi niya ma-contact ang kaibigan mula pa noong Marso 20, 2019.

Ayon kay Leypold, hindi ito karaniwan para sa kaibigan lalo’t regular silang nag-uusap. Hindi na rin, aniya ito nagpo-post sa Facebook, gayong aktibo ito sa social media. Maging ang kanyang pamilya at ibang mga kaibigan ay hindi rin, aniya kinokontak ni Jepsy.

Nang unang makapanayam ng pulisya ang asawa ni Jepsy na si Dane, sinabi nitong nasa ibang state siya at binibisita ang ama.

Sa panayam, base sa dokumento, sinabi ni Dane na Marso 27, 2019 umalis si Jepsy para bisitahin ang kaibigan na si Gina at mula noon ay wala na siyang nabalitaan dito. Sa panayam ng imbestigador, napansin nito ang pagiging ‘unconcerned’ ni Dane sa asawa. Binanggit din ni Dane na iniwan na siya ni Jepsy dahil sa marital problems.

Sa sumunod pang mga panayam ng imbestigador kay Dane, ibinahagi nito ang kanilang pag-aaway na nag-ugat umano sa text messages na nakita nito sa phone ni Jepsy patungkol sa isang ‘Travis.’

Noong Abril 15, 2019 sa panayam ng imbestigador sa katrabaho ni Dane, ibinahagi nito ang pagkabalisa at kakaibang kilos ni Dane mula nang mawala ang asawa. Madalas umanong natutulog sa loob ng sasakyan si Dane tuwing lunch break nito gayong malapit lamang ang kanyang bahay, napansin din nito na hindi kumakain ang kasama, Ipinagtaka rin ng katrabaho nang ipalaam sa kanya ni Dane na hindi muna ito magwo-work out sa gym na peraho nilang pinuntahan, gayung hindi naman sila magkasamang nagwo-work out doon.

Sa phone records ni Jepsy na-trace ng imbestigador na noong Marso 20, 2019, ay may 911 call ito, na ayon sa dokumento ay ang huling outgoing call sa phone ni Jepsy bago ito mawala.

Sa pag-usad ng imbestigasyon, nakasaad sa affidavit, na may “sexual relationship” si Jepsy sa dalawang army soldier, isa sa mga ito ang nagngagalang Travis. Sa panayam ng imbestigador kay Travis, sinabi nitong magkasama sila ni Jepsy noong Marso 20, 2019. Nagpunta sila sa barracks niya at inihatid muli si Jepsy sa apartment nito dakong 9:00 ng gabi ng araw ding iyon.

Base pa rin sa affidavit, sa Facebook records ni Jepsy makikita ang palitan nito ng mensahe sa asawa (Dane) kung saan nagpaalam ang una na pupunta ito kay Gina noong Marso 20, 2019. Sa datos, kasama ni Jepsy si Travis nang mga panahong ito na sinabi niyang makikipagkita siya kay Gina. Kinukumpirma nito na maaaring pinagtatalunan ng dalawa ang tungkol kay Travis nang maganap ang pagkawala ni Jepsy.

Isa rin sa mga lumutang na haka-haka ay ang diumano pagduda ng asawa ni Jepsy na siya ay naging “prostitute.”

Ayon sa kaibigan

Sa salaysay ni Leypold, base pa rin sa dokumento, ilang beses na umanong nag-aaway ang mag-asawa dahil sa relasyon umano ni Dane sa ex-wife nito, kung saan ito may isang anak. Naniniwala umano si Jepsy na ‘inappropriate’ ang relasyon ng asawa niya sa ex-wife nito.

Ayon sa ibang theories na lumulutang sa mga FB groups na dedicated sa kaso, ginagawa umanong taga-bantay na lamang si Jepsy ng anak ni Dane at ni Alaine, at minsan daw ay nagkukulong pa ang dalawa sa kuwarto habang si Jepsy ay nasa labas lamang nito.

Madalas din umanong ikinukuwento ni Jepsy ang problema nito sa relasyon sa asawa.

Kutob ng ina

Bagamat nasa Amerika ang anak at nakabase naman sa Hong Kong si Margie Amaga, napanatili ng mag-ina ang kanilang ugnayan sa madalas na pag-uusap sa pamamagitan ng Facebook Messenger.

Sa Facebook post ni Amaga, ibinahagi niyang Marso 17, 2019 ay nakausap pa niya ang anak. Gayunman, matapos nito ay hindi na niya umano ma-contact si Jepsy at hindi na rin ito nagre-reply.

Dahil sa pag-aalala kinontak umano ni Amaga ang asawa ni Jepsy, sinabi umano sa kanya Dane na umalis si Jepsy noong Marso 20, 2019 at sinabing pupunta sa kaibigan sa Chicago o uuwi ng Pilipinas.

Sa affidavit, nang kontakin ng pulisya ang ina ni Jepsy, nabanggit nito ang posibilidad ng domestic violence.

Wala ring record ng pag-alis si Jepsy base sa mga nakalap na impormasyon ng imbestigador.

After two years

Makalipas ang dalawang taong pagkawala ni Jepsy, Hunyo 17, inaresto ng pulisya si Dane na nahaharap ngayon sa kasong first degree murder.

https://twitter.com/CSPDPIO/status/1405611500350410756?s=03

Sa dokumento, sinasabing nagbigay-daan sa pagkaaresto kay Dane ang pakikipag-usap nito sa dating asawa, si Alaine Kallungi.

Nagkita umano ang dating mag-asawa sa isang restaurant at sa kanilang pag-uusap nabanggit umano ni Dane ang pagpatay nito kay Jepsy.

Makalipas ang tatlong araw, Marso 29, 2021, dumulog sa Colorado Springs Police ang ex-wife upang ipaalam ang naging pag-amin sa kanya ni Dane. Sa pahintulot ni Alaine, nagplano ang mga imbestigador ng isang recorded phone call kay Dane. Sa pag-uusap na ito idinetalye ni Dane ang nangyari sa kanya at sa asawang si Jepsy gabi ng Marso 20, 2019.

Sa affidavit, nakasaad ang ilang bahagi ng kanilang pag-uusap:

"I was just trying to like literally stop the words from coming out of her mouth for a second, and then I realized that I did that for more than a second."

"It looked like I did some damage and I freaked out and it looked like she was suffering."

"Yeah, that's the part I think about still. It's looking at her eyes, you know."

"Like she was already dead. It was just a matter of time and like I didn't want to watch her suffer anymore, but I didn't want to keep doing that and it was all just really bizarre because I mean it was like she was on the floor."

"I can't believe I did that and I'm like there's no way I did that, but I did do that. So yeah, I drove to the like Florissant area... on back road, got lost on like four different back roads and then found one where I could, I just went down and found a spot, dug a hole as deep as I could."

"I was digging until like three in the morning or something because it was like all muddy and really hard to dig in some places and I started freaking out. I'm like oh my gosh people are going to start driving through here because it's not middle of the night anymore so..."

"She was in my trunk and then after work I drove to Florissant and found a spot and like I just stuffed her and... hold on a second... yeah, I went to Florissant and no, I like said good bye to her before I put her in there and tried to apologize a million times."

Sa summary ng affidavit, kumbinsido ang mga imbestigador na sinakal ni Dane si Jepsy, sa gitna ng isang domestic violence. Matapos nito, inilagay ni Dane ang katawan ni Jepsy sa trunk ng sasakyan, inihatid ang kanyang anak sa school nang sumunod na araw, at pumasok sa trabaho. Matapos ang trabaho, dinala ni Dane ang katawan ng asawa sa isang remote area sa Teller County kung saan umano ito inilibing.

Nakasaad din sa dokumento na may history ng domestic violence si Dane sa dati nitong asawa, na siya ring dahilan ng naging paghihiwalay nila.

Ang paglipat ni Dane sa San Diego, California, ang nagbigay daan upang maiwasan nito ng dalawang taon ang pakikipag-ugnayan sa imbestigasyon.

Sa ulat ng NBC news, nakadetine na si Kallungi sa Bernalillio Country, New Mexico habang pinoproseso ng mga awtoridad ang extradition nito sa pabalik ng Colorado Springs.

Naaresto si Kallungi habang papasok sa Air Force Base sa New Mexico.

Panawagan ng hustisya

Sa Facebook post ng ina ni Jepsy nitong Hunyo 23, patuloy ang panawagan nito ng hustisya para sa anak at paghingi ng tulong.

“To all my fb friends!! Pakitulungan po ako na magkaroon ng justice ang pagkamatay ng aking anak na si jepsy amaga kalunggi.”

Ayon sa ina hindi niya inaasahang ganito ang kahihinatnan ng kanyang anak na panganay, lalo na nang mabalitaan niyang pinatay ito ng kanyang asawa.

“Nadudurog po ang puso kona wala ng paramdam ang aking anak .hanggang sa netong june 2021 nakatanggap po kami ng update na nahuli na daw po si dane sa mexico at aminadong pinatay niya si jepsy....

Hanggang sa ngayon hindi pa rin nya naituturo kung asan ba ang aking anak ,,,,tulungan nyo po ako na makarating kay sir raffy tulfo ito ,gusto ko pong malaman at maputahan kung nasan po ang anak ko sa colorado springs (amerika) tulungan nyo po ako parang awa nyo na.”

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso ng pagkamatay ni Jepsy habang patuloy pa ring hinahanap ang katawan nito.

Samantala, nagbukas naman ng gofundme.page ang kaibigan ni Jepsy na si Leypold upang makakalap ng salapi para matulungan na makapunta si Amaga sa Amerika at personal na makita at maiuwi ang bangkay ng anak kapag natagpuan na ito.