Isa ang naiulat na napatay at dalawa ang nasugatan nang lusubin ng grupo ng New People’s Army (NPA) ang isang construction company sa Surigao del Sur, nitong Huwebes ng gabi.

Sa panayam, kinilala ni Surigao del Sur Police Provincial director Col. James Goforth ang binawian ng buhay na si Eldrin Daraman, tauhan ng M1 Construction sa nasabing lugar.

Sugatan naman at isinugod sa ospital ang dalawa pang manggagawa ng kumpanya.

Naiulat ng Lanuza Municipal Police, ang insidente ay naganap sa Purok 2, Barangay Zone 2 sa naturang bayan, dakong 9:00 ng gabi.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Sa police report, sinalakay ng tinatayang aabot sa 20 na rebelde ang construction company at sinunog ang dalawang backhoe.

Matapos matanggap ang impormasyon, kaagad na rumesponde ang mga pulis, gayunman, sinalubong umano sila ng putok ng baril ng mga rebelde.

Nagkaroon ng 30 minutong sagupaan bago tumakas ang mga rebelde matapos sumaklolo ang mga tauhan ng 36thInfantry Battalion ng Philippine Army.

May teorya ang pulisya na pangongotong ang motibo sa pag-atake.

PNA