Umalis na patungong Serbia nitong Huwebes ang Gilas Pilipinas para sa kanilang pagsabak sa FIBA Olympic Qualifying Tournament.
Bago umalis, nakatunggali pa ng Gilas ang Team Dragon ng China sa isang tune-up match noong Miyerkulés ng gabi sa Angeles University Foundation gym sa Pampanga. Natapos ang nasabing laro sa iskor na 79-all.
Ito'y sa kabila ng hindi paglalaro ng naging leading scorer ng koponan sa katatapos na 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers na si Dwight Ramos at ni Carl Tamayo.
Kapwa ipinahinga ang dalawa upang hindi na lumala pa ang kanilang iniindang injury, si Ramos na nagkaroon ng strained groin habang si Tamayo ay may left ankle sprain.
Halos abot-kamay na ng Gilas ang panalo dahil umabante pa sila ng pito, Gilas, 78-71 may 1:07 na lamang sa kanilang laban.
Gayunman, isang iglap ay tinapyas ito ng China sa tatlo, 79-76 bago naitabla sa 79 kasunod ng isang turn over ng mga Pinoy may natitira na lamang na 1.2 segundo sa laro matapos ang isang tip in ni Liu Chuanxing kasunod ng split freethrow Zhao Mixheng.
Nanguna sa Gilas si Kai Sotto na tumapos na may 13 puntos kasunod sina Angelo Kouame at Jordan Heading na may tig- 12 puntos.
Unang makasásagupa ng Gilas sa Belgrade ang Serbia sa Hunyo 30 kasunod ang Dominican Republic sa Hulyo 1.Marivic Awitan