Target ng Manila City government na makamit ng lungsod ang herd immunity laban sa COVID-19 sa katapusan ng Hulyo 2021.

Kaugnay nito, umaapela si Manila Mayor Isko Moreno ng suporta sa publiko upang makamit ang naturang mithiin.

“We need your support! Let’s Go for herd immunity by the end of July!,” ayon sa alkalde.

Sa ngayon ay puspusan na ang isinasagawang pagbabakuna ng pamahalaang lungsod sa mga residente upang maproteksiyunan sila laban sa COVID-19.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Ipinag-utos na rin ni Moreno ang pagpapatuloy ng kanilang walk-in policy o open policy system para mas mapabilis ang pagbabakuna sa lungsod matapos na langawin ang mga vaccination centers nang ipatupad nitong Lunes ang ‘by schedule’ na pagbabakuna.

Sa ilalim ng naturang polisiya, pinapayagan ng lungsod na magpabakuna ang mga walk-ins, kasama ang mga taong na-text para sa kanilang schedule sa pagbabakuna.

Nabatid na dahil sa naturang polisiya ay nangunguna ang lokal na pamahalaan sa Average Jab Capacity sa National Capital Region (NCR) at mahigit na sa kalahati ng kanilang target na 800,000 populasyon ang naturukan nila ng bakuna.

Batay sa datos, nakapagturok na rin ang lokal na pamahalaan ng 328,028 first dose vaccines at 133,381 second dose vaccines, o kabuuang 461,409 indibidwal na naturukan.

Ang naturang bilang ay katumbas ng 57.67% ng kanilang target population upang makamit ang herd immunity.

Matatandaang noong Linggo ng gabi ay ipinag-utos ni Moreno ang pagpapatupad ng ‘no walk-in policy’ sa vaccination sites nitong Lunes ngunit nilangaw ang mga vaccination centers.

Sa 28,000 katao na tinext upang bakunahan nitong Lunes ay 4,900 lamang ang dumating.

Sa ulat ni Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan kay Moreno, kahit na hindi na pinapayagan ang walk-in vaccinees ay marami pa ring mga residente ang nagbakasaling mababakunahan sila at hindi umalis sa pila.

Nang malaman ito at personal na makita ng alkalde ay hindi niya natiis ang mga nakapilang residente kaya’t pagsapit ng alas-4:00 ng hapon ay nagpasiya na rin siyang pabakunahan na rin ang mga ito at tuluyan nang ibinalik ang open policy sa pagbabakuna.

Pagsapit naman ng alas-8:00 ng gabi ng Lunes, na siyang deadline sa pagbabakuna, ay nakapagtala pa rin ang lungsod ng mahigit 18,388 katao na nabakunahan.

Magugunitang patuloy na nalalampasan ng lungsod ng Maynila ang kanilang rekord pagdating sa bilang ng mga indibidwal na nababakunahan sa loob ng isang araw.

Sa pinakahuling rekord nito, nakapagtala sila ng mahigit sa 28,000 katao na nabakunahan sa loob ng isang araw lamang kaya’t tinukoy ang lungsod na may pinakamabilis na sistema ng vaccine deployment sa NCR at may pinakamarami ring bilang ng vaccinees.

Mary Ann Santiago