Arestado ang 39 na indibiduwal habang isang minor ang na-rescue na pawang mga sangkot umano sa phishing scam na nag-o-operate sa Quezon City, Lunes ng gabi.
Dakong 10:00 ng gabi, nadakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District ang mga suspek, kabilang ang itinuturong company manager na si Rose Castolo, Jesto Aludino, at Mitch John Esteban, mula sa tip ng isang concerned citizen hinggil sa nagaganap na
Phishing scam scheme na tumatarget umano ng mga dayuhan.
Bukod pa sa ilegal na aktibidad, isinumbong din ng concerned citizen na nalalabag sa lugar ang physical distancing protocols at pagsusuot ng face masks at face shields.
Tinukoy ng pulisya ang kumpanya na Perse Intelect Marketing Campaign Service na matatagpuan sa bahagi ng Regalado Highway sa Barangay Greater Lagro.
Ayon pa sa pulisya, bigong makapagprisinta ng anumang dokumento na konektado sa operasyon ang mga suspek, na humantong sa pagkakasamsam ng mga computers na ginagamit sa operasyon.
Na-rescue rin sa lugar ang isang 17-anyos na babae.
Hindi naman nagbigay pa ng dagdag na detalye ang awtoridad hinggil sa aktibidad ng mga suspek ngunit mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Trafficking in Person especially Women and Children, Cybercrime and Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination.
Kakasuhan rin ang mga ito sa paglabag sa Law on Reporting of Communicable Diseases and Ordinance for Operating Without Permits.