Patay ang guwardiya ng isang pagamutan nang agawan ng baril at barilin ng isang pasyente sa Sta. Cruz, Maynila nitong Lunes ng gabi.

Isang tama ng bala sa dibdib ang tumapos sa buhay ng biktimang si Arturo Budlong, 37, guwardiya sa ikalawang palapag ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC), na matatagpuan sa San Lazaro Compound, sa Rizal Avenue, Sta. Cruz.

Sugatan naman at nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang suspek na si Anthony Carlo Galivo, 37, ng 507 Paltoc St., Sampaloc, Manila matapos na mabaril ng mga pulis nang manlaban habang inaaresto.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, naganap ang krimen dakong 10:40 ng gabi sa ikalawang palapag ng naturang pagamutan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nauna rito, napansin umano ng biktima na labas-masok ang suspek sa kuwarto kaya’t sinita ito ngunit pagtalikod niya ay bigla na lang umanong inagaw ng suspek ang kanyang .9mm na service firearm at kaagad siyang pinutukan sa dibdib.

Mabilis umanong tumakbo ang suspek patungo sa morgue ng pagamutan at doon siya inabutan ng mga nagrespondeng pulis.

Tinangka umanong pasukin ng mga pulis ang morgue upang arestuhin ang suspek, ngunit nanlaban ito at nagpaputok ng baril.

Dito na napilitan ang mga awtoridad na gumanti ng putok, sanhi upang tamaan siya ng bala sa ibabang bahagi ng tiyan at dibdib.

Kaagad rin namang dinala sa emergency room ng pagamutan ang suspek at kasalukuyan nang nilalapatan ng lunas.

Samantala, ang biktima ay namatay dakong alas-7:00 ng umaga ng Martes, habang nilulunasan ng mga doktor.

Lumitaw naman sa imbestigasyon ng mga awtoridad na ini-admit sa pagamutan ang suspek noong Hunyo 18 matapos na tangkaing wakasan ang kanyang sariling buhay.

Kasong murder ang isasampang kaso ng mga awtoridad laban sa suspek sa piskalya.

Mary Ann Santiago