Bumoto nang pabor ang Pilipinas sa resolusyon ng United Nations General Assembly (UNGA) na naglalayong wakasan ang military coup sa Myanmar at palayain si Aung San Suu Kyi at iba pang political prisoners.
Teka muna, ‘di ba ganito rin ang kahilingan ng mga kalaban at kritiko ng Duterte administration na palayain ang mga bilanggong pulitikal na nakakulong sa mahabang panahon?
Ang UNGA resolution na nananawagan din sa pagputol sa daloy ng mga armas sa Myanmar ay suportado ng 119 bansa. Bumoto ang mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) gaya ng Indonesia, Malaysia, Singapore at Vietnam.
Gayunman, ang Brunei, Cambodia, Laos at Thailand ay sumanib sa 36 bansa na nag-abstain sa botohan, kasama ang China, Russia, Bangladesh, India, Iran at Pakistan. Tanging ang Belarus ang bumoto kontra sa resolusyon.
Sa naturang resolusyon, tinatawagan ang Armed Forces ng Myanmar na agad itigil ang karahasan laban sa peaceful demonstrators, civil society, mga kasapi ng labor unions at media workers. Dapat ding alisin ang mga restriksiyon sa social media at internet.
***
Hinikayat ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang mga mamamayan na ipagpatuloy ang pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong lugar habang hinihintay ang pinal na guidance mula sa pambansang gobyerno.
Ayon kay Eleazar, makabubuti sa mga Pilipino na ituloy ang pagsusuot ng face shield at face mask na kanilang ginagawa mula pa nang Disyembre noong nakaraang taon bilang dagdag na proteksiyon laban sa Covid-19.
"Mas makabubuti na tayo'y may face shield kung kaya ituloy natin ang paggamit nito," ayon sa PNP chief. Payag si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na alisin na ang face shields at gamitin lang ito sa loob ng mga ospital. Habang hinihintay pa ang desisyon ng Pangulo at ng IATF tungkol sa isyu ng face shield, inatasan ni Eleazar ang mga pulis na pagpayuhan ang mga tao na namataang walang face shield na magsuot. Hindi muna sila huhulihin. Paalalahanan lang muna.
Sinabi ni Eleazar na siya at mga matataas na pinuno ng PNP sa Camp Crame ay patuloy na magsusuot ng face shields dahil "we feel more protected." Hihintayin ng buong puwersa ng PNP ang pinakahuling guidelines tungkol sa pagsusuot ng face shield upang maiwasan ang kalituhan sa pagpapatupad ng mga pulis sa nasabing isyu.
Pagkatapos ng ilang buwang pagkabalam, naisuot na rin ni Jose Cardinal Advincula ang kanyang pulang cap (red cap) noong Biyernes sa Immaculate Conception Metropolitan Cathedral sa Roxas City, Capiz, nangangahulugan ng elevation niya bilang cardinal na nauna sa pormal na designation niya bilang cardinal sa Hunyo 24 ng Vatican bilang ika-33 arsobispo ng Maynila.
Tinanggap din ni Advincula noong Biyernes ang cardinal ring (singsing0 matapos na ma-miss niya ang Nov. 28,2020 consistory sa Rome dahil sa Covid-19 travel restrictions. Dapat ay tinanggap niya at ng iba pang mga cardinal ang kanilang mga singsing sa panahon ng consistory. Mabuhay ang bagong Cardinal at Arsobispo ng Maynila!
Bert de Guzman