Kasama sa pinaka apektadong bahagi ng populasyon sa panahon ng pandemya ay ang mga matatanda at mga bata. Matapos ibaba ang enhanced community quarantine noong nakaraang taon, nagdesisyon ang IATF na limitahan ang bilang ng mga taong pwedeng lumabas. Ito’y dahil ang masyadong maraming tao na lumalabas ay puwedeng maging sanhi nang mas malalang pagkalat ng COVID-19. Dahil kailangan magtrabaho ng mga tao para kumita at masuportahan ang kani-kanilang pamilya at ang ekonomiya, ang grupong napagpasiyahang manatili sa loob ng bahay ay ang mga bata at mga edad na 65 taong gulang pataas.

COVID-19 sa mga matatanda

Ang mortality rate sa mga matatanda dulot ng COVID-19 ay mas malala kaysa sa mas batang populasyon. Kahit na ang mga may edad 60 taon pataas ay bumubuo ng 20 porsyento lang ng bilang ng mga kaso ng COVID-19, sila naman ang nagbubuo ng higit na 60 porsyento ng populasyon na namatay dahil sa COVID-19. Habang tumatanda, mas mataas ang chansa ng pagkamatay kung mahawa ng COVID-19. Sa isang pag-aaral, ang death rate mula sa COVID-19 ng nasa edad 60 hanggang 69 na taon ay 3.6 porsyento. Para sa edad 70 hanggang 79 naman, 8.0 porsyento; at sa edad 80 pataas, 14.8 porsyento.

Noong dumating ang mga bakuna, ang mga senior citizen ang pangalawa sa prayoridad pagkatapos ng mga healthcare workers. Ngunit, kaunti lamang ang nais magpabakuna. Ang mga naging dahilan ay maraming senior citizens ang nangangamba sa side effects ng mga bakuna kaya’t natakot sila magparehistro. Natatakot din sila lumabas ng bahay. Sa ngayon, mga 500,000 na mga senior citizen pa lang ang nabakunahan ng dalawang doses ng mga bakuna.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

COVID-19 sa mga bata

Hindi mataas sa prayoridad ng gobyerno ang pagbabakuna para sa proteksyon mula sa COVID-19 ang mga bata. Ito’y dahil ang mga senior citizen at mga taong may comorbid na kondisyon ang kailangan unahin para sa life-saving na bakuna, sapagkat ang mortality rate nila ay mas mataas sa 10 porsyento.

Sa kabilang banda, ang mga bata ay hindi lubos na napapanganib kung sakaling sila man ay sapian ng COVID-19. Ang mortality rate nila ay 0.2 porsyento, at karamihan ng mga bata ay magkakaroon lamang ng mistulang sipon o trangkaso na di naman mataas ang tsansang ikamatay. Ang desisyon na itigil ang face-to-face classes at panatilihin sa bahay ang mga bata ay upang mabawasan ang posibilidad na mag-uwi sila ng COVID-19 sa bahay kung saan may mga kasama silang nasa vulnerable population.

Ang COVID-19 disease sa karamihan ng mga bata ay mild, ngunit paminsan-minsan, ang mga bata ay maaaring magkaroon ng severe disease. Isa sa malalang komplikasyon ng COVID-19 sa mga bata ay ang tinatawag na Multisystem Inflammatory syndrome in children (MIS-C). Ito ay isang syndrome na may halintulad sa isang immune disease kagaya ng Kawasaki’s syndrome na kung saan inaatake ng katawan ang sarili nitong blood vessels. Bihira ang MIS-C, pero ito ay ikinamatay na ng ilang mga bata. Mayroon din ibang bata naman na sinapian ng severe COVID-19 ay nagdedevelop ng pagmamaga ng puso o myocarditis, na maaaring humantong sa pangmatagalang cardiac problems. Katulad ng mga matatanda, ang mga batang may severe lung involvement dahil sa COVID-19 ay maaaring magdevelop ng pangmatagalang lung damage na mangangailangan ng oxygen buong buhay.

Bilang pinakamababang prayoridad na grupo para sa pagbabakuna, ang prospekto na palabasin na ang mga bata sa mas lalong madaling panahon ay may kalabuan. Sa inisyal na clinical trials para sa first-generation na bakuna laban sa COVID-19, karamihan ng inenroll sa pagaaral ay mga matatanda lamang. Ang pinakabata na sinama sa pagaaral ay nasa 16 na taong gulang.

Kamakailan, inaprubahan ang Pfizer vaccine para sa edad 12 hanggang 15 taon. Inaasahan na ito na ang magiging simula ng pag-apruba sa mga epektibong pangbakuna para sa mga bata. Ang Pfizer na bakuna ay napakitang 100 persyentong epektibo sa age group na ito laban sa symptomatic disease. Isinasagawa na rin ang clinical trials para sa mga mas nakababata.

Sa China, inaprubahan na rin ang Sinovac para sa mga batang edad 3 hanggang 17 na taon. Ang Astra at Moderna at iba pang bakuna ay pinagaaralan din para sa mga bata.Kahit pa man may maaprubahang bakuna, kakailanganin pa rin maghintay ang mga bata dahil sa prioritization framework at limitadong supply ng mga bakuna.

Sa kabila ng mga matinding hamon, unti-unti din nating makakamit ang katapusan ng pandemya. Ang pagbabakuna sa mga matatanda ay lubusang tinututukan ng local governments, NGOs, at mga private societies. Sinisikap nila na mas mapabuti ang access at gawan ng paraan upang ma-motivate ang mga matatanda na magpabakuna. Ang pagprotekta sa mga “most vulnerable” na tao ay ang pinakamabisang paraan upang maiwasan ang pagkamatay ng marami.

Para sa mga bata naman, inaasahan na mag-iimprove ang supply ng mga bakuna sa loob ng ilang buwan. Kaya’t sana ay ma-umpisahan na rin ang pagbabakuna sa kanila para mapaghandaan ang face-to-face classes. Bago pa man mabakunahan ang mga bata, maaaring dahan-dahan na din silang pahintulutang lumabas at pumasok sa eskuwela basta’t nabakunahan na ang karamihan ng mga matatanda at ibang vulnerable population na kasama nila sa bahay.

Habang sinisimulan na ng gobyerno na bawasan ang restrictions sa mga nabakunahan na, laging tandaan na marami pa din ang hindi natin nalalaman tungkol sa COVID-19. Ang banta ng iba’t ibang variants na makatakas sa bakuna ay hindi pa napupuksa, kaya ang minimum public health standards ay kailangan pa ring mapanatili sa ngayon. Kaunting pasensya pa ang kailangan, at makakarating din tayo sa pinatutunguhan.

Kung mapabilis ang pagbabakuna ng nakararami, mas mapapabilis din ang pag-wakas ng pandemya at ng ating paghihirap.