Nilinaw ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez, Jr. na inurong ang petsa ng pagdating sa bansa ng Moderna vaccine bunsod ng logistical issues.
Dapat ay sa Hunyo 21 na darating sa Pilipinas ang 250,000 dose ng nabanggit na bakuna, gayunman, ipinagpaliban ito sa Hunyo 25.
Paliwanag ni Galvez, natural lang na nagkakaroon ng pagbabago sa schedule ng transportasyon para sa mga bakuna.
Ito ang unang shipment ng US-made vaccine sa bansa. Sa nasabing bilang ng bakuna, nasa 100,000 ang nakalaan na sa private sector habang 150,000 ay mapupunta sa gobyerno.
Dagdag ni Galvez , darating din sa bansa ang isang milyong doses ng Moderna sa Hulyo, habang dalawang milyong dose nito ang inaasahang darating sa Setyembre at ang nalalabing 13 milyon ay nakatakdang dumating sa huling bahagi pa ng taon.
Beth Camia