Walang nakikita si House Majority Leader Martin Romualdez ng anumang conflict o hindi pagkakaunawaan sa pinsang-buo na si dating Senator Bongbong Marcos sakaling siya ay tumakbo sa vice presidency sa 2022.
Bunsod ng endorsement mula kay Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Romualdez na bukas siyang tumakbo bilang vice president, katambal ni Davao City Mayor Sara Duterte na magiging standard-bearer ng administrasyon.
Lumutang ang mga ulat na interesado rin si Marcos na tumakbo sa pagka-pangalawang pangulo, kasama si Mayor Inday Sara.
“We haven’t made any final decisions yet, but we will consider all candidates,” ani Romualdez sa online press conference noong Huwebes nang tanungin tungkol sa posibilidad na magtambal sila ni Mayor Sara sa 2022 elections.
Ang kongresista ang pangulo ngayon ng Lakas-CMD party na kaalyado ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) regional party na itinatag ni Mayor Duterte.
Tungkol sa posibleng sumulpot na conflict o di-pagkakaunawaan nila ng pinsan (Marcos) na itinatambal din sa nasabing alkalde, sinabi niyang wala siyang nakikitang conflict dahil lahat ng problema ay hinaharap at pinag-uusapan nila at kanila namang naaayos.
Bert de Guzman