Hindi makikipagtulungan si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa ano mang procedure na maaaring isagawa ng International Criminal Court (ICC) laban sa inilunsad na giyera sa anti-illegal drugs na ikinamatay ng maraming drug suspects.

Sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na ang Pangulo ay hindi kailanman makikipagtulungan sa ICC hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino sa Hunyo 30,2022.

Giit ni Roque, "May pre-trial chamber na mag-aawtorisa sa imbestigasyon. Sa preliminary investigation, hindi kami makikipagtulungan. We will never cooperate because we are no longer a member, and he will not cooperate even if they force us."

Dagdag pa ng tagapagsalita ng Palasyo na ang ICC ay walang hurisdiksiyon sa Pilipinas dahil ang bansa ay kumalas na sa ICC noong 2019. "Hindi ito pagtugis sa substantial justice sapagkat kami ay hindi na miyembro ng ICC. Ang karapatan at awtoridad ng korte na mag-imbestiga at maghain ng kaso ay batay sa pakikipagtulungan ng estado (o ng nasabing bansa).

Gayunman, maraming sektor ang bumibira kay PRRD sa pagtanggi niyang mag-imbestiga ang ICC tungkol sa madugong anti-illegal drug war. Kung talaga raw walang pagkakasala ang administrasyon sa pagkamatay ng libu-libong drug suspects eh bakit hindi payagan ang ICC na magsiyasat.

***

Tungkol naman sa isyu ng vaccination program ng gobyerno, pinayuhan ng Presidente ang mga tao na tumatangging magpabakuna na bumili ng kanilang mga ataul at cremation plans dahil tiyak na sila'y mamamatay sa virus.

Aniya, ginagawa ng pamahalaan ang lahat para kumbinsihin ang mga pinoy na magpabakuna pero matitigas ang kanilang ulo. "Sabi nga pag nabili yung lahat ng bakuna, sobra, kasi maraming tumatanggi."

"Now, ulitin ko ulit. Pag hindi ka nagpabakuna, mamamatay ka talaga. So planuhin mo na yung buhay mo kung paano pag dating ng panahon. Bili ka ng kabaong o magpasunog ka. Magkano ang bayaran mo at maghanap ka na ng puwesto sa sementaryo. Ganyan yan eh. Ayaw ninyong magpabakuna? Patay kayo sigurado."

Mahigit na sa pitong milyong Pinoy ang nababakunahan. Sinisikap ng gobyerno na bakunahan ang higit na bilang ng mga mamamayan. May paniniwala ang mga eksperto at dalubhasa sa kalusugan na kapag sumunod sa health protocols ang mga Pilipino at magpabakuna, ang darating na Pasko ay tiyak na magiging masaya at baka raw alisin na ang face mask upang maging kalugud-lugod ang pagdiriwang ng Pasko 2021!

Bert de Guzman