Halos tatlong buwan pa bago mag-umpisa ang pagpaparehistro ng mga pulitikong tatakbo sa 2022 national election, halatado na ang mga kandidato na pumupustura para sa paparating na halalan. Kani-kanyang pakulo – ang sabi nga ay pagpaparamdam sa kanilang nililigawang mga “bobotante” na madaling makuha sa buladas at konting barya, kapalit ng tatlo hanggang anim na taong pagtatampisaw sa kapangyarihan at pagnanakaw sa kaban ng bayan!
Hindi naman nagpapahuli ang mga paham sa lipunan lalo na ‘yung mga nakatatanda dahil marami sa kanila ang naglalabasan sa social media at nagpapaalala sa mga kabataan – partikular sa mga millennials – na lumabas at magparehistro na para makaboto sa 2022 election, upang mailuklok sa puwesto ang mga tumatakbong pulitiko na may konkretong solusyon sa problemang nakalambong ngayon sa buong sambayanang Pilipino.
Ang paalala sa mga kabataan ay mismong ang kinabukasan ng henerasyon nito ang huhubugin o gagahasain ng mga pulitikong mananalo sa 2022 election, kaya’t dapat maging matalino sila sa pagpili. Huwag padaskul-daskol sa pagboto at gamiting maigi ang sentido!
Ako mismo ay nagulat sa sarili ko, dahil sa dinami-rami ng mga nagpaparamdam na kakandidato sa papalapit na halalan, bigla kong sinang-ayunan ang tinuran ni “71” – codename ni General Panfilo Lacson noong siya pa ang pinuno ng Philippine National Police (PNP) -- na hindi ang pangangampaniya lamang ang dapat na paghandaan ng isang nagnanais na mamuno sa bansa, bagkus ay kailangan munang mahanap nito ang solusyon sa mga mabibigat na problema ng responsibilidad na papasukin.
Sa kauna-unahang pagkakataon kasi ay lantaran kong kinakatigan ang pahayag ni Senator Lacson na palaging laman noon ng mga sinulat kong artikulo – bilang reporter ng Philippine Daily Inquirer – na pawang kritikal sa kilos at galaw ng kanyang pinagkakatiwalaang mga tauhan noong siya ay CPNP pa,hanggang pumasok sa pulitika at mahalal na senador.
Ani Senator Lacson sa isang panayam na napanood ko sa isang live streaming sa social media: “Ang tunay na mabigat na trabaho ay hindi sa kampanya kundi pagkatapos nito, dahil haharapin ng bagong pinuno ang ga-higante na problema, tulad ng pambansang utang, kawalan ng hanapbuhay at patuloy na katiwalian…It’s not about prestige or being part of history as being the President of the country. The more important thing is to ask yourself if you can solve the country’s problems. Ang importante: Kaya ba, at may solusyon ba?”
Dagdag pa niya: “There is also a need to seek the advice and ideas of economic experts and other experienced persons to find solutions – short, middle, and long-term – to confront and address the problems aggravated by the pandemic.”
Teka muna, ano nga ba itong mga higanteng problema na pinagsasasabi ko rito eh hindi naman ako eksperto sa bagay na ito. Puwes, batay sa pinagsama-samang mga datos na nakalap ng opisina ni Senator Lacson, ganito kasalukuyan ang kalagayan ng bansa: Laganap ang kawalan ng trabaho at malalim ang katiwalian sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan. Ang pinakamatindi – ang pambansang utang ay abot na sa P10.991 trilyon mula pa nitong Abril.
Aba’y patay tayo r’yan – ‘di pa ipinapanganak ang mga apo natin sa tuhod baon na sila sa utang na hanggang leeg!
Ito pa ang sinasabi ni Senator Lacson na mga problema ng bansa na dapat harapin ng mga susunod na pinuno: Ang isyu sa West Philippine Sea, ang P9.6-trilyon seed money para sa pension ng military at iba pang “uniformed personnel” (MUPs), at ang taunang budget na hindi bababa sa P1 trilyon para sa Internal Revenue Allotment (IRA) dahil sa Supreme Court ruling sa Mandanas petition.
Problema rin ang mababang koleksiyon ng buwis – dahil ito sa pandemiya – na umabot lamang sa P2.84 trilyon, kasama na rito ang non-tax revenues, na mas mababa rin sa P3.25 trilyon na target para sa 2020 General Appropriations Act.
Ito ang isa pang pinapanigan ko sa mga sinabi ni Lacson –dapat maglaan ng pondo – malaking pondo ‘di kakapurit na katulad ng sa kasalukuyan -- para sa research and development (R&D), upang makatuklas ang mga eksperto natin ng sariling gamot para sa anumang pandemiya na magaganap, at hindi na umasa sa ibang bansa, gaya ng nangyayari ngayon sa pananalasa ng COVID-19.
“Whoever will lead the country should take these into account along with solutions to other problems such as a debt that has ballooned to almost P11 trillion as of end-April, the elections in BARMM and joblessness. They should ask themselves: ‘Can I, in my personal and professional capacity, develop solutions to these problems?’ If yes, let’s share them through public service. If not, it may be better to keep quiet,” dagdag ni Lacson.
Sama-sama nating pakiramdaman at pulsuhan ang mga isyung tulad nito sa paparating na eleksyon... GAME!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa:[email protected]