Pagkaraan ng kanilang naging kampanya sa nakaraang FIFA World Cup at Asian Cup Joint qualifiers sa Sharjah, United Arab Emirates (UAE), nabinbin ang pagbabalik sa bansa ng Philippine Azkals sanhi ng ipinatutupad na travel ban ng bansa sa ilang mga bansa sa Gitnang Silangan.
Idinahilan ni Philippine Football Federation (PFF) secretary general Ed Gastanes, ang national team ay matatagalan sa labas ng bansa dahil sa itinakdang mga travel restrictions sa ilang Middle East countries sanhi ng global coronavirus crisis.
“They were supposed to leave Dubai on 16 June. Unfortunately, the Philippine government extended the ban for travelers coming from the UAE,” ani Gastanes na siya ring secretary general ng Philippine Olympic Committee.
Inanunsiyo ni Presidential spokesperson Harry Roque ang extension ng travel restrictions sa mga biyaherong galing ng India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates at Oman hanggang Hunyo 30.
Ipinatupad ang travel restrictions upang mapigilan ang pagpasok at paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) double-mutant variant na unang na detect sa India.
Bunga nito, ilan sa mga Pinoy booters, katulad nina Jarvey Gayoso at Mar Diano ay kailangang magtungo ng Doha upang makasakay sa flight na pabalik ng Manila sa huling linggo ng buwan.
“The team might stay in Dubai a little longer, to wait for the processing of their visas going to Qatar,” ani Gastanes.
“From Qatar, they will be waiting there for their flight to Manila. We hope we can get it around June 21. This (situation) is difficult, but we will do our best so that our players can arrive here in the country as early as possible,” dagdag pa nito.“It is beyond our control. We just hope that our players will be safe,” pahayag pa nito na ang tinutukoy ay ang travel ban.
Marivic Awitan