Nakakatuwang malaman na ginawang TV series sequel ang classic ‘80s movie na “Puto” na pinagbibidahan noon ng former mayor ng Quezon City na si Mayor Herbert Bautista. Tumabo noon sa takilya ang nasabing fantasy comedy film. Ngayon nga ay mamayagpag muli, this time sa TV naman na may kakaibang mahika at flavor para sa panibagong henerasyon. Magsisimulang mapanood ito sa June 19 tuwing Sabado ng gabi, ng 6 p.m. sa TV5.
Virtual na nakausap ng Balita si Mayor Herbert na gumanap bilang si Ivanhoe “Puto” dela Cruz sa recent Puto mediacon. Present din sila McCoy De Leon bilang si Uno ang kaisa-isang anak ni Puto at ang kanilang direktor na si Direk Raynier Brizuela.
Naging busy na si Herbert sa mga showbiz commitments dahil nagkasunud-sunod na ang kanyang mga projects magmula nang matapos ang kanyang term as a mayor noong 2019. Kaya naman natanong ng Balita, sa dami ng nakatrabaho niya sa pelikula o mapa-TV sinu-sino ba ang mga nami-miss niyang aktres na gusto niya uling makatrabaho? Aniya, “Definitely si Lea Salonga. I’ve made about three or four movies with her. So yun si Lea. Of course si Ruby nasa abroad na si Ruby under Viva Films din naman si Ruby. Siyempre yung grupo ng Bagets gusto kong makasama under Viva rin iyon.” Speaking of “Bagets,” ang pelikulang sumikat noong 1984 ay hangad din ni Herbert na sana raw ay magkaroon sila ng reunion. Hopefully matupad iyon.
Tipid sa pagsasalita ang dating mayor nang mabaling sa politics ang paksa ng usapan lalot nalalapit na ang 2022. Pero aminado si Herbert na hinahanap-hanap daw niya ito. Giit niya, “Basta malalaman na lang natin soon.”
Sa ngayon focus muna si Herbert sa kanyang showbiz career lalo’t ipapalabas na ang “Puto.” Siguradong riot sa katatawanan dahil kasama rin sa cast sina Lassy Marquez, MC Calaquian, at Chad Kinis ng Beks Battalion na gaganap bilang Mamitas, mga tumayong mother figures ni Uno sa kanyang paglaki.
Magkakaroon din ng catch-up airing ang Puto tuwing Linggo, 5 p.m., simula Hunyo 20 sa Sari-Sari Channel, available sa Cignal Channel 3 at SatLite Channel 30. Mapapanood din ang Puto sa livestream ng TV5 sa Cignal Play app, available for Free para sa iOs at Android users. Yun na!