Marami ang naniniwala na kapag tumakbo sa vice presidency si President Rodrigo Roa Duterte, halos tiyak ang kanyang panalo kahit sino man ang katambal. Eh, sino naman ang maglalakas-loob na lumaban sa kanya?

Para namang "nakikiliti" si PRRD sa bagay na ito kaya nalathala sa mga pahayagan at media outfit na siya ay "flirting" sa gayong ideya. Gayunman, hindi raw siya tatakbo kung si Majority Leader Martin Romualdez ay kakandidato rin. Nangako kasi ang Pangulo na tutulungan si Romualdez basta ito ay kumandidato.

Siyanga pala, nabalitaan ba ninyo na sa Pasay City ay may inilunsad ng tinatawag na "Sulong Pasay." Ang nasa likod nito ay mga business leader sa bansa at socio-civic organizations. Kabilang sa kanila sina Philexport President Sergio Ortiz Luis, Ambassador Benedicto Yujuico, Philexport chairman George Barcelon.

Kasama rin sa grupo sina PSE chairman at ex-Trade Secretary Jose Pardo, dating Tourism Secretary Mina Gabor at iba pa. Ang pangunahing layunin ng Sulong Pasay ay tulungan ang City Government na makabangon mula sa matinding pinsala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ito yata ang unang samahan na walang hangad kundi tulungan ang lokal na pamahalaan para umunlad at makaalpas sa pinsalang dulot ng pandemya. Napapanahon talaga ang Sulong Pasay, lalo na ngayong dumami ang mga Pilipino na nawalan ng trabaho. Sana ay may ganito ring kilusan sa iba pang mga lokal na pamahalaan sa buong bansa.

Kaugnay nito, siniguro ni Pasay City Mayor Emi Rubiano na handa ang city government na ipagkaloob ang lahat ng suporta na kailangan ng mga business leader, tulad ng pagbabakuna sa economic frontliners ng siyudad.

Kung susuriing mabuti, mukhang win-win talaga ang Sulong Pasay para sa mga negosyante at mamamayan ng Pasay City. Inaasahan ang malaking pagsulong sa ekonomiya ng lungsod sa susunod na mga araw. Basta nagtutulungan ang mga negosyante at si Mayor Emi, tiyak ang pagbangon ng lungsod mula sa pagkaparalisa nito dahil sa pandemya.

Patuloy ang pagbaba ng kaso ng Covid-19 sa National Capital Region. Patuloy naman ang pagtaas ng bilang ng tinatamaan ng virus sa iba't ibang panig ng Mindanao at Visayas. Sana naman ay mag-ingat ang mga kababayan natin sa Mindanao at Visayas upang sila ay matulad ngayon sa Metro Manila na pababa na ang nagpopositibo sa COVID-19.