Napatay ang isang dating alkalde ng Talitay, Maguindanao nang agawin umano nito ang baril ng isa sa police escort nito habang dinadala ito sa Camp Crame nitong Huwebes kasunod nang pagkakaaresto nito sa Port of Batangas, nitong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ni Philippine National Police chief, Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, ang napatay na si Montasser Sabal, alyas Sabal.

Si Sabal ay idineklarang dead on arrival sa San Juan Medical Center sa San Juan City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), inagaw umano ni Sabal ang baril ng isa sa mga pulis ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) habang sila ay patunngong Camp Crame at nakasakay sa isang police vehicle sa San Juan City, dakong 5:30 ng madaling araw.

Eleksyon

JIL Church, nag-endorso ng 5 senatorial candidates

Nagpambuno ang dalawa hanggang sa mabaril ng suspek ang pulis na katabi nito.

Dahil dito, gumamit ng puwersa ang iba pang pulis at binaril ito na nagresulta sa pagkamatay ni Sabal.

Si Sabal, ayon kay Eleazar ay inaresto sa Batangas Port sa Batangas City matapos matiktikan ng CIDG na darating ito sa lugar, dakong 7:00 ng gabi.

Idinahilan ng pulisya, inaresto nila si Sabal kasong paglabag sa Republic Act 9516 at Republic Act 9165.

Walang inirekomenda ang korte na piyansa nito sa nasabing kaso.

Ayon sa CIDG, isinagawa nila ang operasyon nang matanggap sila ng impormasyon na papuntang Luzon si Sabal mula sa Mindanao.

Nasamsam sa loob ng sasakyan nito ang isang M16 rifle, isang 9mm pistol, isang hand grenade, halos P50,000 cash, dalawang license plates, mga cellular phones, dalawang kustilyo, iba’t ibang papeles at dalawang plastic sachet ng umano’y shabu.

Dinakip din ang mga kasama ni Sabal sa sasakyan na sina Norayda Nandang, 43, kasambahay; Muhaliden Mukaram, 36, driver; at, Aika de Asis, 34, kasambahay

Inaresto rin sina Naare Ailyn Compania, 45, kasambahay; Zuharto Monico, 28, driver; at, Wilson Santos, 41, driver, habang sila ay sakay ng isa pang sasakyang umano'y pag-aari ni Sabal na nakaparada sa parking lot ng daungan.

Nasamsam sa nasabing sasakyan ang isang 50 caliber, isang maliit na baril, isang Garand rifle, mga cellular phone, isang 9mm pistol, isang rifle grenade, dalawang plastic ng shabu na nagkakahalaga ng P2.5 milyon at cash na P582,000.

Aaron Recuenco