Naaresto ng mga awtoridad ang isang 33 taong gulang na lalaki na umano’y pumatay sa kanyang kasintahan na sinimento nito at inilibing sa basement ng bahay ng babae sa Quezon City, kamakailan.
Kinilala ni Brig. Gen. Antonio Yarra, hepe ng Quezon City Police District, ang suspek na si Emmanuel De Guia.
Si De Guia ay itinuturong pumatay kay Ma. Therese Caballero, 50.
Ayon kay Yarra, inakusahan din si De Guia ng anak na babae ni Caballero na si Theffanie Caballero, 22, sa pangingidnap sa menor de edad na lalaking anak nito.
Sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap sa bahay ng biktimasa Brgy. Bagong Silang, nitong Hunyo 9, dakong 2:00 ng madaling araw.
Nagtungo umano si De Guia sa bahay ni Caballero at pinagsasaksak ang mga ito. Kasama ng suspek ang kaibigan na si Nelbert Saz nang maganap ang krimen, ayon sa pulisya.
“Ma. Theresa was secretly buried under the stair at the basement of the house while Theffannie was left helpless at the basement,” pahayag ng mga awtoridad.
Habang nagpapagaling sa ospital, sinabi ng batang Caballero ang nangyaring insidente sa mga kamag-anak nito at humingi ng tulong mula sa QCPD.
Nagpunta ang operatiba ng QCPD sa bahay ng biktima kung saan nila nakita ang bangkay bi Caballero na sinemento sa ilalim ng hagdan ng basement.
Nagkaroon ng follow up na operasyon ang mga pulis sa bahay ni De Guia sa Brgy. Parang, Marikina City na humantong sa pagka-aresto at pagsagip sa lalaking anak ni Caballero, na dinukot sa habang tumatakas.
Ang kotse ng biktima ay narekober sa bahay ni De Guia at ang susi nito ay narekober sa kanyang kaibigan na si Elmer Mina.
Nahaharap ngayon si De Guia sa kasong robbery with homicide, frustrated murder, kidnapping of minor, at carnapping habang si Mina ay nahaharap sa kasong Obstruction of Justice.
Patuloy pa ring hinahanap ng pulisya si Saz na nagtatago umano sa San Mateo, Rizal.