Nagtungo sa Malolos, Bulacan si President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) upang doon ipagdiwang ang ika-123 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Binigyang-puri niya ang dalawang bayaning Bulakenyo, sina Marcelo H. del Pilar at Gen. Gregorio del Pilar, na nagbuwis ng buhay para sa bayan.
Ayon sa Pangulo, matapos itaboy ng mga Pilipino ang Spanish colonizers may 123 taon ang nakalilipas, ang ating bansa ngayon ay muling nakikipaglaban para matamo ang kalayaan mula sa kuko ng COVID-19 pandemic. "Dapat magkaisa ang mga Pilipino laban sa salot na ito."
"Bawat isa sa atin ay tinatawagan upang maging bayani sa paglaban (sa Covid-19) para tayo ay mabuhay at matamo ang common good, tulad ng ginawa ng ating mga bayani sa nakaraang dantaon," saad ng Pangulo sa kanyang pre-recorded Independence Day message.
Sa kasalukuyan, pumatay na ang COVID-19 ng mahigit sa 22,500 ng 1.3 milyong Pilipino na nagpositibo sa coronavirus. “Ang mga paghamon noong nakaraang taon ay sumubok sa ating karakter bilang isang bansa”.
Sa kanyang mensahe sa Araw ng Kalayaan, nanawagan naman si Vice President Leni Robredo ng pagkakaisa sa pagharap sa umiiral na mga hamon, lalo na ng COVID-19 pandemic. “Sa harap ng makapangyarihan, parang imposibleng makalaya. Ever since, this has been what the enemies of freedom have wanted us to believe: That we are weak, that we are divided, that we are alone and that we should focus more on individual interest than on the collective goal".
Gayunman aniya, ipinamalas ng mga Pilipino sa mga Kastila at sa iba pang dayuhan na nagtangkang alipinin at siilin ang bansa na kahit malakas ang puwersa ng kalaban, magtatagumpay tayo basta nagkakaisa at kumukuha ng lakas sa bawat isa.
Sa pagbibigay-dangal kina M.H. del Pilar at Gen. Goyo del Pilar, sinabi ni Duterte na matapos ang mahigit isandaan taon ng kanilang pakikipaglaban, patuloy na nagdudulot sila ng inspirasyon sa sumunod na mga henerasyon ng mga Pilipino upang pangalagaan ang kalayaan at mga karapatan na pinagbuwisan nila ng buhay.
Ginawaran ng Pangulo sa harap ng mga kamag-anak ng Order of Lapu-Lapu ang dalawang Del Pilar bilang pagkilala sa "extraordinary acts of heroism that served as the foundation of this nation"..
"More than a century ago, our heroes fought valiantly to liberate our country from the yoke of foreign oppression. The province of Bulacan is proud to call two of these heroes as their own – General Gregorio S. del Pilar and Marcelo H. del Pilar,” anang Pangulo.
Inilarawan ni Duterte si Marcelo H. del Pilar bilang isang henyo sa larangan ng arts and letters sa ilalim ng pen name na ‘Plaridel'. Sumulat siya ng matatapang na editorials na nagbilad sa kalupitan at inhustisya ng mga mananakop.
“Si Gen. Gregorio del Pilar naman ay bayani ng Tirad Pass (Hero of Tirad Pass)--- isang tunay na patriot na nagbuwis ng buhay sa pagtatanggol sa ating bata at bagong Republika," ayon sa Pangulo.