Makaraan ang 24 na taon nang pagtatampisaw sa tubig, tuluyan nang binitawan ng dambuhalang kumpaniya ng mga Ayala ang Manila Water Company Inc (MWCI) at ipinasa ang pamunuan nito kay industrialist Enrique Razon na magsisilbing pangulo at chief executive officer (CEO) ng kumpaniya. Malugod namang tinanggap ng pamunuan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang bagong liderato ng kumpaniya bilang East Zone concessionaire sa Metro Manila at mga kanugnog lalawigan.
Sa isang pahayag, sinabi ni MWSS Chairman at Acting Administrator Reynaldo V. Velasco na ang pagpasok ng mga Razon sa MWCI ay napapanahon dahil may bagong “concession agreement” sa pagitan ng pamahalaan at sa “East Zone concessionaire”.
Ani Velasco: “We welcome his appointment as President and CEO of Manila Water.With the new concession agreement signed, we look forward to working more closely with Manila Water to better serve the people. It is a very timely appointment.”
Pinasalamatan din ni Velasco ang mga business tycoon na sina Fernando at Jaime Augusto Zobel de Ayala at Jose Rene Gregory Almendras, na agad nagbigay daan sa bagong pamunuan ng MWCI na pangungunahan ni Razon.
Sa kabila ng mga malalaking problema na kinaharap ng MWCI sa gitna ng pagseserbisyo nito sa malaking bahagi ng Metro Manila – kasama na rito ang malaking water shortage noong Marso 2019 – ay taos sa puso pa ring pinasalamatan ni Velasco ang papaalis na pamunuan nito.
Ani Velasco: “I am grateful for the opportunity of working with the Ayalas and Mr. Almendras. For 24 years, the Ayalas did a great job in ensuring the availability of water in every faucet in their concession area bringing to 98 percent water coverage in the East Zone.” Dagdag pa niya: “Of course, there were problems along the way like the March 2019 water shortage, but that shouldn’t be the sole responsibility of Manila Water…the water crisis demonstrated the need for collaborative efforts among stakeholders.”
Bukod sa pagiging pangulo at CEO ng MWCI, itinalaga rin si Razon bilang Chairman of the Board na epektibo noong lang Hunyo 3, 2021.
Kung ‘di ako nagkakamali, unang nakapasok sa MWCI ang kumpanya ni Razon na Prime Metroline Holdings, nang makabili ito ng share na nagkakahalaga ng P10.7 billion noong nakaraang taon. Nasundan ito nito lamang nakaraang Pebrero ng bilyones pang shares – abot sa halagang P4.8 billion – na sumakamay ng Trident Water na pag-aari rin ni Razon.
Nito lamang buwan ng Marso, pumirma ang MWSS -- on behalf of the government – sa isang tinatawag na “revised concession agreement with MWCI” na katatapos lamang dumaan sa pagrerepasong legal ng mga taga Department of Justice (DoJ). Ang kasunduang ito ay sinasabing isang “win-win solution” para sa lahat, dahil makapagbibigay ito ng proteksyon sa interest ng pamahalaan, lalo na sa publiko, habang kumikita naman ang mga negosyanteng namuhunan para rito!
Sa tingin ko nga eh malaking bagay ang bilyones na puhunan – mula sa mga Razon – na pumasok sa MWCI para maisakatuparan nito ang ilang malalaking proyekto na magpapaganda at magpapalawak pa sa pagseserbisyo nito sa bayan.
Para sa kaalaman ng lahat, ang mga lugar na pinagseserbisyuhan ng MWCI’s na tinatawag na “East Zone”ay binubuo ng 23 siyudad at munisipyo sa loob ng lugar na may kabuuang sukat na 1,400-square kilometers– kabilang dito ang Makati, Mandaluyong, Pasig, Pateros, San Juan, Taguig, Marikina, malaking bahagi ng Quezon City, at ilang bahagi rin ng Maynila. Kasama rin dito ang mga kanugnog na bayan sa lalawigan ng Rizal – ang Angono, Antipolo, Baras, Binangonan, Cainta, Cardona, Jala-Jala, Morong, Pililia, Rodriguez, San Mateo,Tanay, Taytay, at Teresa.
Bukod pa rito ang ilang concession na pinasok ng MWCI - sa pamamagitan ng kumpaniya nitong Manila Water Philippine Ventures (MWPV) -- sa iba’t ibang lugar sa buong bansa gaya ng Boracay Water, Clark Water, Laguna Water, Estate Water, Bulacan Water, Obando Water, Calasiao Water, Cebu Water, Tagum Water, at Zamboanga Water.
Binigyan diin ni Velasco na “by necessity” kinailangan ng ating pamahalaan na sumandig sa tinatawag na “public-private partnership” upang mabilis na maisagawa ang mga nakatenggang “infrastructure project” lalo na ngayong panahon ng pandemya na nagpapahirap sa ating ekonomiya.
Kung sabagay, sa tingin ko’y malaki ang tama rito ni Velasco -- dahil sa palagay ko, kapag mga taong gobyerno na naman ang direktamenteng hahawak sa mga bilyones na proyektong gaya nitong sa MWCI, maraming pondo na naman ang mananakaw sa kaban ng bayan!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa:[email protected]