Nakapasok ang tambalan ng Filipinang si Alex Eala at Oksana Selekhmeteva ng Russia sa 2021 French Open girls doubles finals, matapos ang kanilang 6-2, 6-1 paggapi sa defending champions Eleonora Alvisi at Lisa Pigato ng Italy sa semifinals ng Stade Roland Garros kahapon ng umaga(oras dito sa Pilipinas).
Kinailangan lamang nina Eala at Selekhmeteva ng 53 minuto upang mapatalsik ang defending champions at itakda ang finals match nila kontra sa 8th-seed pair nina Maria Bondarenko at Amarissa Kiara Toth ng Russia.
Target ni Eala ang ikalawang Grand Slam title kasunod ng kanyang panalo sa Australian Open girls doubles tournament noong isang taon katuwang si Priska Nugroho ng Indonesia.
Tabla sa 2-2 sa opening set, inangkin nina Eala at Selekhmeteva ang huling apat na puntos upang makamit ang panalo.
Siniguro ng W25 Platja D’Aro finalists na ganap na makamit ang panalo matapos muling ipanalo ang huling apat na games sa second set mula sa hawak nilang 2-1 bentahe.
Marivic Awitan