Kubang-kuba na sa hirap ang mga Pilipino sanhi ng COVID-19 pandemic. Marami ang nawalan ng trabaho, maraming negosyo ang nagsara.

Heto naman ngayon ang mga kompanya ng langis na linggu-linggo ay nagtataas ng presyo ng gasolina at iba pang produkto ng petrolyo. Gusto ng taumbayan na kumilos ang mga mambabatas at lider ng bansa na pigilan ang ganitong sitwasyon

Pansinin at suriin ninyo: Magro-rollback ng katiting na presyo ang mga oil company, pero asahang sa susunod na linggo ay garantisadong doble o baka triple pa ang itataas sa kanilang mga produkto.

Sa isang banda, may mga ulat na matindi ang pagtutol ni Deputy Speaker at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza sa House Bill 8762 na naglalayong pagkalooban ng exemption sa procurement law angPhilippine National Oil Company (PNOC).

Aba naman, layunin din daw na bigyan ng eksempsiyon sa congressional authority ang pondo ng PNOC. Samakatwid, magiging libre ang PNOC sa puntong ito.

Naniniwala ang mambabatas na taliwas o hindi sang-ayon sa mandato ng Kongreso sa ilalim ng Constitution na gamitin dito ang tinatawag na "power of the purse."

Iginiit ni Atienza na ang gayong panukala ay lalabag sa Republic Act 9184 o ng Government Procurement Reform Act dahil inaalis nito ang transparency o makita ang buong katotohanan.

Naniniwala ang dating Manila Mayor at ngayon ay isang Kinatawan, na ang pagkakaloob ng exemption sa PNOC ay maghahatid ng maling mensahe sa iba pang Government-owned-controlled Corporations (GOCCs), na maaari pala nilang maiwasan o takasan ang maling paggamit sa pondo ng bayan. Hoy, mga Kagalang-Galang na lingkod ng bayan, gumising kayo at ang isipin ay hindi ang pagpapahirap sa taumbayan!.

Sa banner story ng isang English broadsheet noong Martes, ganito ang nakasaad: "Rody can run; Rody can wait." Bagamat wala pa namang desisyon si President Rodrigo Roa Duterte na tatakbo bilang VP sa 2022 elections, ipinagtanggol siya ng Malacañang sa banat ng mga kritiko na lalabag sa Constitution ang Pangulo kapag siya'y kumandidato.

Sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque na hindi ipinagbabawal ng batas mag-ambisyon sa sa mas mababang posisyon kapag siya ay bumaba na sa trono sa 2022. Nais ng PDP-Laban na tumakbo si PRRD sa vice presidency pagkatapos ng termino para raw maipagpatuloy ang kanyang mga programa at adbokasiya para sa bayan.