TACLOBAN CITY – Napatay ang dalawang senior citizen at sugatan naman ang kanilang apo matapos silang saksakin ng umano’y magnanakaw sa Laoang, Northern Samar, nitong Miyerkules .
Sa police report, nakilala ang dalawa na sina Basilesa Obradilla Esparas, 80, at Franko Lipata Esparas, 89, pawang taga-Barangay Bobolosan ng nabanggit na bayan.
Isinugod naman sa isang ospital ang apo ng mga ito na si
Mark Angelo Delos Santos Esparas, 18, dahil sa mga saksak ng patalim sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa ulat ng mga awtoridad, biglang pumasok sa bahay ng mga biktima ang isang lalaki naka-bonnet at naka-guwantes at pinagsasaksak ang tatlo.
Sa salaysay ng apo ng dalawa, nagising siya at nakita niya ang kanyang lolo na iniaabot ang pitaka sa magnanakaw bago sila pinagsasaksak.
Kaagad na tumakas ang suspek pagkatapos ng krimen.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa kaso.
Marie Tonette Marticio