Makikipagkamay lang sana si French President Emmanuel Macron sa crowd nang sapakin ito sa mukha ng isang lalaki, habang nasa biyahe ang pangulo sa southern France, huli ang insidente sa isang video.
Mabilis namang nakapamagitan ang security entourage ni Macron, na hinatak ang lalaki at inilayo sa Presidente. Dalawang lalaki ang inaresto kaugnay ng insidente, ayon sa ulat ng BFM TV at RMC radio.
Inilarawan ni French Prime Minister Jean Castex na isang “pambabastos” ang insidente sa demokrasya.
Naganap ang insidente habang bumibisita si Macron sa Drome region sa south-eastern France, kung saan ito nakipag-usap sa mga restaurateurs at students hinggil sa pagbabalik normal ng buhay sa gitna ng COVID-19 epidemic.
Sa video na kumakalat sa social media, makikita si President Macron, na nakasuot ng shirt sleeves, at patungo sa crowd na nahaharangan ng metal barrier.
Iniabot ng French president ang kanyang kamay upang batiin ang lalaki, na nakasuot ng T-Shirt, glasses at face mask.
Maririnig ang pagsigaw ng lalaki ng “Down with Macronia” (à bas la Macronie) sabay sapak sa pangulo.
Agad naman hinatak ng security ni Macron ang lalaki, habang inilayo ng ibang security ang President sa mga tao. Gayunman, nanatili si Macron sa lugar at nakipag-usap pa sa ibang crowd.