Higit isang taon na ang nakalipas mula nang gambalain ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic ang normal na buhay ng mga tao. Kabilang sa mga institusyong matinding tinamaan ay ang sistema ng edukasyon sa bansa. Sa pagsisiguro na hindi mapabayaan ang pangangailangan ng mga mag-aaral sa tinatawag na new normal, nagpatupad ang Department of Education (DepEd) ng isang serye ng adjustments, na tinatawag ngayong “blended learning.”
Bagamat hindi bagong konsepto, hindi ito naging madali, kung pag-uusapan ang pagpapatupad nito sa Pilipinas.
Isang pseudo-virtual approach, pinagsasama sa blended learning ang dalawang uri ng alternatibong edukasyon, upang mapagsilbihan nang maayos ang mga mag-aaral na napilitang manatili sa bahay dahil sa pandemya. Sa isang survey na inilabas nitong Marso 2021 ng Social Weather Stations (SWS), 89 porsiyento ng mga Pilipinong pamilya na may miyembro na naka-enroll sa school year 2020-21, ay ikinokonsidera ang blended learning na “more difficult” kumpara sa regular na face-to-face setup. Ilang magulang ang nagsabi na sa kasalukuyang sistema, bagamat provided ng mga paaralan ang printed materials at online support, kalimitang kailangang matuto mag-isa ng mga estudyante. Ang iba namang mga ina at ama ay tumayo nang guro sa kanilang tahanan, na mahirap para sa mga hindi naman full-time houseparents.
Ngunit ang mga pagsubok na ito ay hindi lamang limitado sa mga magulang at mag-aaral. Nahihirapan din ang mga guro sa hirap na dala ng blended learning, partikular sa information communication technology (ICT) infrastructure sa bansa, na marami pa ring dapat ipatupad. Sa isang survey ng DepEd, lumalabas na 87 porsiyento ng mga guro na may computer o laptop ang wala namang access sa internet, habang ang natitirang 13 porsiyento ng respondents ay walang computer o laptop.
Nagpahayag nang matinding pagkabahala ang mga eksperto para sa kinabukasan ng mga Pilipinong mag-aaral, sa usapin ng kasalukuyang setup ng edukasyon. Minsang nang sinabi ng UNICEF education chief sa bansa, na bagamat nakaapekto ang pandemya sa lahat ng mga paaralan sa buong mundo, ang epekto nito sa Pilipinas ay “mas malala.” Binanggit din ng mga child psychologists ang kawalan ng physical interactions sa mga mag-aaral na magkakaroon, anila, ng long term effect sa emotional development ng mga bata.
Nangako ang DepEd na pauunlarin nito ang implementasyon ng blended learning system para sa susunod na pasukan, ito’y sa gitna ng mga panawagan ng ilang sektor na unti-unti nang ibalik ang face-to-face classes. Gayunman, nariyan pa rin ang katanungan: Kung walang magiging pagbabago sa ICT infrastructure at kakayahan ng mga tahanan na makagamit nito, gaano magiging kaepektibo ang blended learning sa susunod?
Para sa kinabukasan ng mga estudyante ng bansa—ang susunod na henerasyon ng mga Pilipino—ang pangangailangan sa mas maayos at matatag na-blended learning system ay kasing halaga ng pagsisikap na mabakunahan ang bawat Pilipino.