Nalampasan na ng Davao City, na siyang hometown ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang Quezon City sa pagkakaroon ng pinakamataas na average na bilang ng naitatalang daily COVID-19 cases, ayon sa isang eksperto mula sa OCTA Research Group.

“Today, nalagpasan na ng Davao City 'yung Quezon City sa seven-day average. Yung average ng Davao City, 213 cases per day. Sa Quezon City, 207,” ayon kay OCTA Fellow expert, Dr. Guido David, sa panayam sa telebisyon nitong Martes. “So Davao City na yung pinakamaraming average number of cases per day.”

Sinabi ni David na hindi niya masabi ang dahilan ng spike ng kaso sa Mindanao ngunit tila nakakalusot, aniya, ang mga biyaherong infected ng virus sa border controls.

Noong Lunes, una nang tinukoy ng OCTA Research ang ilang lungsod sa Mindanao bilang areas of concern dahil sa patuloy na pagkalat ng COVID-19.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Kabilang dito ang mga lungsod ng Cagayan de Oro, General Santos, Koronadal, Cotabato at Davao.

Batay sa ulat ng OCTA, ang Davao City ay nakitaan ng 54% na pagtaas ng mga kaso ng impeksiyon sa nakalipas na linggo, o mula 134 kaso ay naging 206 kaso mula Mayo 31 hanggang Hunyo 6.

Una na ring isinailalim ng national government ang Davao City sa modified enhanced community quarantine (MECQ) mula Hunyo 5 hanggang 20 upang matuldukan ang pagkalat pang lalo ng sakit sa lungsod.

Nanawagan na rin naman si Davao City Mayor Sara Duterte sa kanyang mga constituents na istriktong obserbahan ang health protocols na ipinatutupad ng pamahalaan at kaagad na ireport sa mga awtoridad ang mga positibong kaso ng sakit upang kaagad itong maaksiyunan at malapatan ng lunas.

Mary Ann Santiago