Kung nais ng oposisyon na lumaki ang tsansa na manalo sa halalan sa Mayo 9, 2022 laban sa sino mang "manok" o "bata" ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD), tanging isang kandidato lang ang dapat isagupa.

Naniniwala ang 1Sambayan at maging si Vice Pres. Leni Robredo na kapag marami ang tumakbo sa panguluhan sa susunod na taon, malamang na ang magwagi ay ang kandidato ni Mano Digong na uupo sa Malacanang sa loob ng bagong anim na taon.

Ayon sa mga report, kasalukuyang sinusuri ng 1Sambayan sa pangunguna nina dating SC Senior Associate justice Antonio Carpio at lawyer-convenor Howard Calleja, ang mga potensiyal na kandidato sa 2022 elections.

Kabilang sa sinusuri at pinagpipilian ay sina VP Leni, dating Sen. Antonio Trillanes IV, Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso. Batid ng 1Sambayan coalition na para silang "umaakyat sa matarik na burol" sapagkat nasa poder ang mga kandidato ni PRRD, bukod sa popular pa rin ang Pangulo kung paniniwalaan ang surveys ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia.

Bukod kina Carpio at Calleja, kasama sa koalisyong 1Sambayan sina dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales at dating PH ambassador Albert del Rosario. Batid nilang isang "uphill climb" ang tatahakin nila laban sa Duterte administration sa 2022 dahil ito ay nasa poder, maraming pera, at marami pa ring supporters.

Isang kandidato lang ang dapat kumatawan sa oposiyon sa next year presidential elections, giit ni Robredo. "Ang isinusulong ko ay tanging isang kandidato lamang ang kumatawan sa lahat ng grupo na hindi taga-administrasyon."

Samantala, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na ang susunod na pangulo ay hindi lang handa para sa kanyang kandidatura kundi dapat na maghanda sa napakarami at nakababahalang mga problema ng bansa.

May mga ulat na nag-iisip si Lacson na tumakbo sa panguluhan katambal si Senate President Vicente Sotto III. "Hindi lang tungkol ito sa prestige o maging bahagi ng kasaysayan bilang Presidente. Higit na mahalaga ay tanungin ang sarili kung kaya mong lutasin ang mga problema ng bansa."

Para kay Lacson, ang pinakamahirap na trabaho ay hindi ang pagkampanya kundi pagkatapos magwagi, kabilang ang pagtutok sa napakalaking utang ng Pinas, kawalang-trabaho at patuloy na kurapsiyon.

Ang pambansang utang pala ng PH ngayon ay nasa P10.991 trilyon hanggang nitong Abril 2021. Kakaharapin din ng bagong Pangulo pagkatapos ng 2022 elections ang isyu sa West Philippine Sea (WPS), paglaban sa Covid-19 pandemic, pagbangon ng ekonomiya at mabuting pakikipag-relasyon sa iba pang mga bansa bukod sa China at Russia.

Samantala, nanawagan si Archdiocese of Manila apostolic administrator Bishop Broderick Pabillo sa mga Pilipino na iboto ang mga kandidato na makabubuti sa bayan. "Let us give the best for our country, if we love it. Let us give what is best for the people."

Bert De Guzman